Sabi ni Mama may dumating daw na ibon na may dalang basket at sa loob ng basket ay ako noong baby pa ako. Okay… pero bakit ‘yung sa kapatid ko wala naman akong nakitang ibon? Lumaki pa nga tiyan ni Mama. Sabi ko pa, “Ma, takaw mo. Laki na ng tiyan mo!”. Tapos nasa ospital na kami at may bago na kaming baby. Baka dun dineliver ng ibon yung kapatid ko? Hay… ‘di ko magets.
Kung anu-ano ang tinuturo sa atin tungkol sa paano nangyayari ang pagbubuntis. May birds at bees. Mayroon ring mga prinisipe na hinahanap ang nag-iisang prinsesa at marami pang kachismisan. Minsan naman “Basta nagmahalan mabubuntis!” Kulang na lang ng “Basta, respect my opinion!”
Pero hindi naman ganun kasimple ‘yun.
Tulad ng love, ang proseso ng pagbubuntis ay COMPLICATED. Hindi rin pwedeng ONE-SIDED. Kaya naman upang magkaroon ng posibilidad ang pagbubuntis, kailangan munang mag-ambag ang female reproductive system at male reproductive system!
Ovulation: Paglabas ng Itlog Mula sa Obaryo
Ang unang ambag ng female organs ay ang ovulation. Nagsisimula ito sa pagma-mature ng mga itlog o egg cells sa loob ng ovaries o obaryo sa tulong ng hormones. Hormones din ang nagpapakapal at nagpapalambot sa dingding ng matris (uterine lining) para maging ready ito sa pagbubuntis. Sa panahon na ito, mapapansin niyo na may lumalabas na cervical fluid o mucus, malabnaw at madulas na likido na parang hilaw na egg white.
Kada 28 araw o higit pa, ilalabas ng obaryo ang designated #EggOfTheMonth at mag-aantay siya ng ka-date na semilya o sperm cell for 12-24 hours sa fallopian tube. Sana all patient!
Kung lumipas na ang oras at hindi siya sinipot ng kanyang date, mawawasak ala Nasty Mac ang itlog, kasama ang kumapal na dingding ng matris. Ito ang magiging regla pagkatapos ng 11-16 na araw.
Fertilization: Pagtatagpo ng Itlog at Semilya
Pero paano naman kung dumating nga ang kanyang ka-date na sperm?
Kapag successful na nagsama ang hinog na itlog at semilya, fertilization ang tawag dito. Nagiging posible ito kapag naglabas ng semilya ang titi o penis sa loob ng puki o vagina.
Milyon-milyong semilya na nakahalo sa tamod o semen ang lalangoy papasok ng vagina, pero isa lang ang makaka-date ng #EggOfTheMonth. Pagdadaanan muna nila ang cervix at uterus o matris hanggang sa makarating ang successful contestants sa meet-up place: ang anurang tubo o fallopian tube.
Kung less than 24 hours pa lang naman nag-aantay ang itlog, pwede pa rin siya ma-fertilize ng semilya alin man sa milyon milyong ito na lucky winner. Posibleng mangyari ito kahit nauna ang pagpasok ng semilya kaysa sa ovulation, dahil nabubuhay ang semilya sa loob ng katawan ng babae hanggang limang araw. Sorry na lang sa ibang sperm na namatay na pagkalipas ng anim na araw!
Pero alam naman natin na sa love, hindi lang face-to-face dates ang paraan. May mga relasyon din namang long-distance (LDR), o kaya mga nag-date with the help of technology tulad ng mga dating apps, kaya gano’n din sa paraan ng pagbubuntis!
Kahit rare lang ito mag-work (parang LDR), maaaring mangyari pa rin ang fertilization pag na-ejaculate ang semen sa labas pero malapit sa bukana ng vagina. Maaari ring may makapuslit na semilya bago pa maramdaman ng lalaki na lalabas na ito (pre-cum). Kaya delikado ang hugot o withdrawal kasi pwede pa ring may makalusot na semilya!
Tulad ng dating apps, pwede rin gamitin ang teknolohiya para ma-fertilize ang egg sa pamamagitan ng (1) artificial insemination o pagpasok ng semen sa matris ng tao; at (2) pag-fertilize ng egg sa labas ng katawan, at paglalagay nito sa matris pagkatapos. Ito ang tinatawag na invitro fertilization o IVF.
Implantation: Pagkapit ng Pertilisadong Itlog
Kung ang proseso para official na magsimula ang relasyon ay ang pagkakaroon ng label, ang official na pagbubuntis naman ay nagsisimula sa implantation. Maaaring abutin ng 6-12 days ang paglalakbay ng fertilized egg papunta sa matris at pagkakabit sa lining nito.
Sa oras na maabot ng egg ang matris, didikit na ito sa dingding ng matris (uterine lining o endometrium) at opisyal nang magsisimula ang pagbubuntis. Ang pagkapit na ito ay susuportahan ng pregnancy hormones na pipigilan ang uterine lining na mapilas o bumuhos. Ito ang dahilan kung bakit hindi nireregla ang buntis.
May mga fertilized egg din na hindi nakakadikit sa lining, kaya naman maisasama na lamang din sila sa reglang ilalabas ng katawan.
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Marami pang ibang factors na pwedeng makaapekto sa pagbubuntis. May tinatawag na fertile window kung saan mas ideal ang estado ng cervical fluid para sa sperm at ovulation. Parang sa love: dapat right person, RIGHT TIME!
Lagi ring tandaan na #PALABAN ang sperm. Kung ang pakikipagtalik ay unprotected, maaari talagang makarating ang sperm sa cervix papunta sa uterus.
Kaya kung iniiwasan ang pagbubuntis, laging gumamit ng mabisang contraceptive method!