“Huy Pilar*, nagkaroon na ‘ko ng regla kagabi. ‘E saan ba galing yung dugo nito?” nagtatakang tanong ni Daisy* sa kaibigan niya. 

“Tamang tama beh, lesson namin ‘yan sa science at MAPEH ngayong linggo! Ganito kasi ‘yan, ‘pag daw walang na-fertilize na egg cell, mapipilas yung kumapal na lining ng matris natin at ‘yun yung lumalabas na regla.” 

HUH?! Napakamot ng ulo si Daisy*. Egg cell? Saan galing ‘yun? Matris? Para saan ba ‘yun? Ang dami palang parte ng katawan ng babae**!

Kadalasan ‘pag sinabing reproductive system ng babae**, basta vagina, ‘yun na ‘yon! Ngunit alam niyo ba na ang vagina ay hindi lang yung mismong puwerta kundi ang mala-tube na daanan na nagdudugtong sa panlabas at panloob na bahagi ng reproduktibong bahagi ng babae**? Isang parte lang ang vagina. Marami pang ibang organs ang bumubuo sa reproductive system na may kinalaman sa regla, pakikipagtalik, at pagbubuntis.

Mga Panlabas na Bahagi ng Ari ng Babae**

Ang female reproductive system o sistemang reproduktibo ng babae ay binubuo ng panlabas na bahagi o entryway na tinatawag na vulva. Kabilang dito ang mons pubis at labia. Ang mons pubis ay ang matambok na bahagi sa labas ng vagina, at ang labia naman ang balat na nakapaligid sa puwerta ng vagina. 

💡TANDAAN: Vulva ang tawag sa panlabas na bahaging ito at hindi vagina. Ang vagina ay isa sa mga panloob na bahagi (mas maraming impormasyon sa susunod na section). 🤓

Ang mga panlabas na parteng ito ang tinutubuan ng buhok o pubic hair kapag adolescent na ang isang babae**. Nagsisilbing proteksyon ang pubic hair upang pigilan ang germs o bacteria na pumasok sa vagina.

Sa pagitan ng mga balat ng labia, matatagpuan sa bandang itaas ng vaginal opening ang clitoris – isang napaka-sensitibong organ na kadalasang dahilan ng orgasm ng babae**. Ito ang tinatawag na pleasure center ng reproductive system ng babae**. Hindi man kabilang sa reproductive system, matatagpuan naman sa pagitan ng clitoris at ng vaginal opening ang urethral opening, isang maliit na butas kung saan dumadaloy ang ihi mula sa pantog.

Ang hindi alam ng marami ay talagang iba-iba ang itsura ng vulva. Kaya naman #CANCELLED na dapat ang mga katagang “maluwag” o “laspag”. Ano mang hugis, sukat, o kulay—lahat ng uri ng vulva ay maganda!

RH 59 Vagina Diagram

Mga Panloob na Bahagi ng Ari ng Babae**

‘Di man natin nakikita, mayroon ding panloob na organs ang ating reproductive system. Ang panloob na bahagi ay binubuo ng vagina, uterus, fallopian tubes, at ovaries, at may kanya-kanya silang tungkulin 

Ano ang vagina?

Nangunguna sa eksena ang sikat na sikat na si vagina (kiki, pepe, pekpek, puki, bilat, o vajayjay). Marami siyang nickname at marami rin siyang silbi:

  • Lagusan ng regla
  • Pasukan ng titi, daliri, o sex toys sa pakikipagtalik o pansariling stimulation 
  • Daluyan ng sanggol sa panganganak

At tulad ng nabanggit kanina, ang vagina ay ang mala-tube na daanan na nagdudugtong sa panlabas at panloob na bahagi ng reproductive system o yung vulva at cervix.

Ano ang hymen?

Ang bukana ng vagina ay bahagyang tinatakpan ng isang napakanipis na layer ng fleshy tissue na tinatawag nating hymen. Pamilyar ito sa marami dahil dito nagmumula ang #FAKENEWS na kapag ‘di dumugo ang puerta sa pakikipagtalik, ibig sabihin dati nang nakaranas ng pagtatalik ang isang babae. 

Ang totoo, maraming dahilan kung bakit di dumudugo ang puwerta sa pakikipagtalik:

  • May mga babae** na ipinanganak na napakaliit o napakanipis ng hymen o wala talaga nito.
  • Ang hymen ay hindi isang “seal” ng vagina. Kaya walang “mapupunit” sa pakikipagtalik. Ang totoo ay may butas talaga ito kung saan lumalabas ang regla at iba pang discharge. 
  • Bagaman may mga kababaihan** na nakararanas ng pag-unat at konting pagdurugo sa unang beses ng pakikipagtalik, hindi agad nito ibig sabihin na galing ang dugo sa “napunit” na hymen. Pwedeng galing ito sa gasgas sa vaginal wall kapag kulang ang lubrication o dulas habang nakikipagtalik.
  • Maaari ring maunat ang hymen bago pa man ito ma-penetrate ng ari ng lalaki. Halimbawa, maaaring naunat na ito noong nakikipag-bike racing ang babae** kasama ng kanyang mga kaibigan, o kaya noong nagpapabonggahan sila tumambling at mag-split sa isang sayawan.

Para saan ang cervix at uterus?

Ang cervix o kwelyo ng matris ay makipot na muscle o tissue na pumapagitan sa vagina at sa uterus o matris. Nagmumula rito ang cervical fluid o mucus. Kapag fertile ang babae**, malabnaw at madulas ang likido na ito na parang hilaw na egg white. Tumutulong ito sa pag-transport ng sperm para makatagpo ang egg cell sa loob ng matris. Kapag hindi naman fertile ang babae**, nagiging malapot ito at siyang pumipigil sa pagpasok ng sperm. 

Siyanga pala, mas maliit pa ang bukana ng cervix kesa sa butas ng straw, kaya IMPOSIBLENG ma-lost na lang bigla ang tampon o menstrual cup sa loob ng matris, gaya ng pangamba ng ilan!

Lumalaki lamang ang pagbuka ng cervix tuwing nanganganak, at ito ang sinusukat ng mga doktor o midwife kapag naririnig natin ang tanong na “Ilang cm na siya?” habang nagle-labor ang buntis.

Ang uterus (sinapupunan, matris, o bahay bata) naman ang muscular organ kung saan nagde-develop ang fertilized egg na kalaunan ay magiging fetus. Ang muscles nito ay may kakayahang lumuwag at sumikip upang mapagkasya ang fetus at mailuwal ang sanggol sa oras ng labor.

Saan nanggagaling ang egg cells?

Nakakabit sa uterus ang dalawang magkabilaang makipot na lagusan na tinatawag nating fallopian tubes. Ang mga ito ay kumokonekta rin sa magkabilaang ovaries. Ang ovaries ay hugis-itlog na organs na nagpo-produce ng female sex hormones at egg cells.  

Pinakakawalan ng ovaries ang designated #EggOfTheMonth at naglalakbay ito papunta sa fallopian tube (ito ang ovulation) kung saan maaari niyang ma-meet ang THE ONE sperm (ito ang fertilization)!

Kung hindi naman na-fertilize ang egg, ibig sabihin, kung wala itong naka-tagpuang sperm mula sa pagtatalik, kakawala na lamang ang dugo at tissues na namuo sa dingding ng matris (bilang paghahanda sana sa pagbubuntis) — at ito ay dadaloy palabas ng cervix at vagina ng babae bilang menstruation o regla. Kaya naman isang sign na hindi buntis ang isang babae** kapag dinatnan siya ng regla. 

#MalayaAkongMagingLIGTAS

Laging tandaan na mahalagang matutunan ang female reproductive system para hindi kaagad natatakot at mas magabayan ang kababaihan** sa karaniwang hitsura at paggana ng kanilang katawan. 

Madalas, ang kakulangan ng kaalaman sa anatomy ang pinag-uugatan ng mga insecurities at mga walang katotohanang chismis sa katawan na maaaring makaapekto sa physical at mental health. Kaya sa susunod na makarinig ka ng #FAKENEWS tungkol sa reproductive system at iba pa, i-callout mo ‘yan!

Bagaman isa sa major functions ng reproductive system ang pagbubuntis, tandaan na hindi requirement sa buhay ng tao ang magka-anak. Hindi lahat ay may kakayahang magbuntis. Ang iba naman, pinipiling hindi magka-anak at walang mali dun! 

Ang desisyon ukol sa pakikipagtalik o pagbubuntis ay dapat pinag-iisipan at pinagpaplanuhan nang mabuti. Kung pagpapagupit na nga lang at anong uri ng gupit ay pinaglalaanan na natin ng oras para mapagdesisyunan, mas lalo na dapat ang pakikipag-sex. Bago makipag-sex, tiyakin na ligtas at handa ka, at gusto mo itong gawin. Sa pakikipag-sex, tiyakin na pumapayag at nage-enjoy ka. Mainam din na alamin muna natin ang iba’t-ibang uri ng contraceptives na maaaring gamitin, at piliin ang pinakagusto upang maipagpaliban ang pagbubuntis. Sa ganitong paraan, maaalagaan natin ang ating reproductive health!

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at gamit lamang bilang halimbawa.

**Hindi limitado sa identifying labels na babae o kababaihan ang mga taong may female reproductive organs.