Ayaw nang pumasok ni Adrian* sa school simula nang pag-tripan siya ng ilan niyang mga kaklase. Madalas kasi siyang kinukunan ng mga ito ng baon at binabantaan pang sasaktan at ipapahiya. Magmula noon ay naging mailap na siya sa mga tao at lagi na lamang nagkukulong sa kanyang kwarto. Wala siyang mapagsabihan o mahingan nang tulong. Habambuhay na lang ba niyang kikimkimin ang pagbu-bully sa kanya?
Ang bullying ay nangyayari kung ang isang tao o grupo na mas may kapangyarihan sa’yo ay paulit-ulit kang ginagawan ng mga bagay na hindi mo gusto sa agresibong paraan. Maaari itong magresulta sa pisikal, sikolohikal, sosyal, at edukasyonal na pinsala.
Mga Uri ng Bullying
1. Verbal Bullying
Araw-araw tinitiis ni Lilian* ang pangungutya sa kanya ng kaklase niya. Sinasabihan siya ng mga ito ng masasakit na salita gaya ng “baboy,” “oink oink,” “damulag,” at kung ano-ano pang pwedeng ihalintulad sa kasalukuyan niyang katawan. Masakit pero nilulunok na lang niya lahat.
Ang verbal bullying ay ang pagtawag o pagsulat ng masasama tungkol sa isang tao katulad ngunit hindi limitado sa mga sumusunod:
- Panunukso
- Pagtawag ng iba’t-ibang salita na makakapagpababa nang tingin sa sarili
- Pagsasabi ng malalaswang bagay
- Panunuya
- Pang-iinsulto
- Pagbabanta
2. Social Bullying
Napansin ni Billy* na panay ang bulungan ng mga kaklase niya sa tuwing dadaan siya—sumunod dito ang biglaang pag-iwas sa kanya ng dating itinuturing niyang mga kaibigan. Ngayon, wala nang gustong sumalo sa kanya kapag recess o lunch break at tuwing may groupings. Malungkot na lang niyang hinaharap ang lahat nang mag-isa.
Ang social bullying naman o relational bullying ay ang pagsira sa reputasyon o relasyon ng isang tao katulad ngunit hindi limitado sa mga sumusunod:
- Intensyonal na pag-iwan o hindi pagsali sa’yo
- Pagsasabi sa iba na ‘wag kang kaibiganin
- Pagpapakalat ng tsismis o maling impormasyon tungkol sayo
- Pamamahiya lalo na sa mga pampublikong lugar
3. Physical Bullying
Nagtataka ang Mama ni Chris* kung bakit laging naka-long sleeves siya sa bahay kahit ang init ng panahon. Laking gulat niya nang madiskobre niya ang mga pasa sa braso ni Chris na pilit niyang itinatago dahil ayaw niyang malaman nito na binubully siya sa school.
Ang physical bullying ay tumutukoy sa pisikal na pananakit at pangingielam sa iyong kagamitan katulad ngunit hindi limitado sa mga sumusunod:
- Pamamalo o panghahampas, pananadyak, pangungurot
- Pandudura, pamamatid, panunulak
- Paninira at pangunguha o pagnanakaw ng mga gamit
- Paggawa ng mga masasamang simbolo gamit ang kamay (rude hand gestures)
4. Cyber Bullying
Kahit anong pag-report ang ginagawa ni Francis* sa social media, paulit-ulit lang na inuupload ng mga bully ang prank video kung saan hinubad nila ang shorts niya at nakita ang brief niya sa camera. Buong school na ata ang nakakita nito, pati na rin ang crush niya sa kabilang section. “Hiyang-hiya na talaga ako pero wala akong magawa…. ‘Wag na kaya ako pumasok sa school?” nasa isip ni Francis.
Ang cyber bullying ay ang paninira o pananakit publicly, privately, o anonymously sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga malisyosong content sa internet—gaya ng social media. Ang mga halimbawa ay sumusunod ngunit hindi limitado:
- Pagpapakalat ng fake news o tsismis online
- Pagpapakalat ng mga larawan o video na may intensyong hiyain, bastusin, at sirain ang reputasyon ng isang tao
- Pagsesend ng mga mapanakit na text o mensahe
- Paggawa ng prank
- Pag-hack at pag-invade sa online privacy
- Pagiging bastos at pagsasabi ng mapaminsalang mga salita
Saan at kailan nangyayari ang bullying?
Kadalasang nangyayari ang bullying sa mga eskwelahan at sa workplace. Maaari din itong mangyari sa mga madalas na dinaraanang lugar. Pwede rin itong mangyari sa inyong komunidad, barangay, palaruan, at iba pang mga lugar, at kahit sa sariling tahanan.
Mga senyales ng bullying
Mahalagang alamin kung ano ang mga senyales ng bullying dahil ito ang unang hakbang para matugunan at hindi na lalong lumala ang sitwasyon. Ilan lang ito sa mga maaaring senyales na nabu-bully ang isang tao:
- Mga pasa o marka nang pananakit
- Nawawala o nasisirang mga damit, libro, gadget, o anumang personal na gamit
- Madalas na pagsakit ng ulo o tiyan
- Pagkakasakit o pagpeke ng sakit para makaiwas sa paglabas ng bahay o pagpasok sa eskwela
- Pagbabago ng gana sa pagkain (hindi pagkain, paghina sa pagkain, o labis na pagkain)
- Hirap sa pagtulog
- Pagbaba ng grades at performance at kawalan ng interes sa pag-aaral
- Pagiging mailap sa mga kaibigan o pag-iwas sa mga salo-salo o ibang social events
- Pagbaba ng confidence, kumpyansa sa sarili, at pagtingin sa sarili
- Depression o sobrang kalungkutan at kawalan ng pag-asa
- Paglalayas mula sa tahanan
- Pananakit sa sarili at pagkakaroon ng suicidal thoughts o ideations
Hindi limitado rito ang senyales ng bullying. Hindi rin lahat ng biktima ay nagpapakita ng mga senyales. Kaya kung naranasan mo ito, dapat na humingi ka ng tulong sa mga nakatatanda o i-report ito sa mga awtoridad.
Hindi lahat ay may kakayahang humingi ng tulong. Kaya kung nakikita mo ang mga senyales na ito sa iba, mahalagang kausapin at tulungan sila.
Epekto ng Bullying sa Mental Health at Development
Ayon sa mga eksperto, may masamang epekto ang bullying sa mental, pisikal, at emosyonal na aspeto ng pagkatao ng isang tao. Pwede rin itong magdulot ng trauma na maaring dalhin habambuhay, at posible rin itong humantong sa kamatayan.
Ito ang mga posibleng maging epekto ng bullying sa mental health ng isang tao:
- Mas madaling makaramdam ng depresyon, anxiety o labis na pagkabalisa
- Malubhang pagbaba ng self-confidence at kumpyansa sa sarili
- Mas mataas na ang tsansa ng pagpapatiwakal o pag-iisip ng paggawa nito
- Mas mataas na posibilidad na maging bayolente at gumawa ng krimen
- Mas may chance na malulong sa bisyo gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak at paggamit ng ipinagbabawal na droga
Maaaring maranasan ang mga masasamang epektong ito hanggang sa pagtanda. Dagdag pa ng mga eksperto, ang isang taong nakaranas ng bullying ay posibleng magkaroon ng abusive attitude sa kanilang minamahal sa buhay.
#MalayaAkongMaging MASAYA
Hindi magiging OK ang bullying kahit kailan. Kung ikaw ay nabubully, tandaan na hindi mo ito kasalanan. Walang sinuman ang may karapatan i-bully ang iba. Minsan kaya nambubully ang isang tao ay dahil sila rin ay may pinagdaraanan. Ngunit, hindi pa rin ito katanggap-tanggap na rason.
Laging tandaan na hindi mo kailangang harapin ito nang mag-isa, at maraming pwedeng makatulong sa’yo.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.