Tinanong si Brian** ng guro kung ano-ano ang mga bahagi ng male reproductive system at pangunahing tungkulin nito. “Anu-ano? Hindi ba penis lang? Pangunahing tungkulin? Ah, para umihi!” sabi ni Brian. Nakabibinging katahimikan lang ang sumagot pabalik sa kanya. “Patay, bokya na naman yata ako nito,” napagtanto nya.
Bagama’t titi ang pinakakilalang parte ng male reproductive system, marami pang ibang bahagi ang bumubuo rito para gawin ang mga sumusunod:
- Mag-produce ng sex hormones na siyang nagdudulot ng pagbabago sa katawan pagdating ng adolescence;
- Gumawa ng tamod o semen na naglalaman ng sperm na siyang makakatagpo ng itlog ng babae para mangyari ang pagbubuntis; at
- Mag-labas ng semen papunta sa reproductive system ng babae habang nagtatalik.
Panlabas na Bahagi ng Male Reproductive Organ
Tulad ng female reproductive organs, mayroon ding panloob at panlabas ang male reproductive organs.
Penis
Karamihan ng reproductive system ng lalaki ay nasa labas. Unang-una rito ay ang penis.
Ang titi o penis ay may dalawang bahagi:
- Ang puno o shaft na hugis tubo na kapag napupuno ng dugo ay nagiging dahilan ng pagtigas ng titi. Binubuo rin ito ng maraming sensitive nerve endings na nagre-react sa touch o pag-hipo, pagpalit ng temperatura, at sa kati.
- Ang glans na kadalasang tinatawag na ulo na mayroong maliit na slit o bukana kung saan lumalabas ang tamod at ihi. Mula pagkapanganak ng isang lalaki, may kasama talagang foreskin o balat na nakalaylay ang kanyang glans. Ipinatatanggal ng iba ang balat na ito sa proseso ng tuli o circumcision. Sa Pilipinas, mas pinapaboran ng nakararami ang pagtanggal ng foreskin bilang tradisyunal na hudyat ng transition ng mga batang lalaki* sa adolescence. Dagdag pa rito, may benepisyo rin ang pagpapatuli tulad ng mas madaling paglilinis ng titi na siyang makatutulong para maiwasan ang pagkakaroon ng urinary tract infections (UTI) at paghawa ng sexually transmitted infections (STI). (I-clink ang link na ito para mas matutuo pa). Pero may mga taong hindi rin ipinatatanggal ang kanilang foreskin dahil hindi lang nila nakikita na importante ito, mas gusto nila ang hitsura ng kanilang titi na hindi tuli, o kaya hindi sila pabor sa operasyon na maaaring makakapagdulot ng physical at psychological trauma.
💡TANDAAN: Tuli man o hindi, kanya-kanyang choice ito na dapat respetuhin. Ang mahalaga ay maging laging malinis sa katawan at gumamit ng condom tuwing nakikipagtalik. 🤓
Testicles
Karamihan ng kalalakihan ay mayroong dalawang testicles o testes. Ito ay ang dalawang magkadikit na hugis-itlog na tinatawag na bayag.
Ang testes ang responsable sa paggawa at pag-imbak ng sperm cell o semilya at ito rin ang nagpo-produce ng hormones na testosterone upang lumalim ang boses, lumaki ang muscles, at tumubo ang mga buhok sa katawan at mukha ng lalaki.
Scrotum
Ang scrotum naman ay yung mala hugis sakong balat na nakalaylay sa likod ng penis. Binabalot at pinoprotektahan ng scrotum ang testes at nagsisilbi rin itong parang “climate control system” para maging normal ang produksyon ng semilya. Ito ang dahilan kung bakit ‘pag nilalamig ang lalaki, liliit at sisiskip ang scrotum upang makapag-imbak ng body heat. Kapag naiinitan naman, lalaki at lalaylay ito upang matanggal ang extra heat. Ang lahat ng ito ay #MATIC na nangyayari!
Panloob na Bahagi ng Male Reproductive Organ
Syempre mayroon ding mga panloob na bahagi ang male reproductive system o kung tawagin ay accessory organs. Tago man sila, mahalaga din ang role na ginagampanan nila!
Seminal Vesicles
Siguro nabalitaan mo na kung paano nagkakaroon ng swimming contest ang mga sperm papunta sa itlog ng babae sa panahon ng pagtatalik. Ito ay dahil sa seminal vesicles. Ang seminal vesicles ay dalawang hugis pouch na tissues na nakakabit sa vas deferens at matatagpuan sa bandang ilalim ng bladder. Ito ang nagpo-produce ng 50% hanggang 80% ng likido na nagiging semen na nagdadala ng sperm. Nagpo-produce din ito ng sugar-rich fluid o fructose para bigyan ng enerhiya ang sperm na makagalaw nang mabilis.
Prostate Gland
Ang prostate gland ay nagdadagdag ng fluid sa semilya na tinatawag na seminal fluid. Ang fluid na ito ang nagbibigay ng karagdagang nourishment o sustansya sa semilya at nagpapadulas nito para mas mabilis na maabot ng sperm ang egg cells ng babae.
Epididymis
Ang epididymis ay isang tubo na nakapwesto sa likurang bahagi ng mga testes. Nag-iimbak ito ng sperm na mula sa testes. Trabaho rin ng epididymis ang pahinugin o gawing mature ang mga sperm na galing sa testes upang maka-fertilize ng itlog ng babae.
Vas Deferens
Ang vas deferens ay isang manipis na muscular tube na nagsisimula sa epididymis hanggang sa bandang likurang bahagi ng bladder o pantog. Ang trabaho naman nito ay dalhin o padaluyin ang mature na sperm papunta sa urethra bilang paghahanda sa ejaculation.
Urethra
Ang urethra ay isang tube na daluyan ng ihi mula sa bladder palabas ng katawan. Isang karagdagang trabaho nito ay ang maglabas ng semilya kapag nag-ejaculate ang isang tao.
Lahat ng nabanggit na bahagi ng male reproductive system ay may mahalagang role na ginagampanan para kapag perfect mix na lahat ng fluid kasama ang sperm, palalabasin na ito ng urethra sa penis, isang prosesong tinatawag nating ejaculation. Hello world!
Fun facts tungkol sa titi
- Hindi posibleng magsabay ang paglabas ng ihi at ng semilya dahil kapag malapit nang mag-ejaculate o labasan ng semilya ang lalaki ay naka-block na ang daluyan ng ihi sa urethra.
- Umaabot sa milyon-milyong semilya ang nailalabas ng lalaki sa bawat putok o ejaculation. At kung ang ejaculation ay mangyayari habang nakikipagtalik nang walang proteksyon, isa sa kanila ang maaaring maging THE ONE ng itlog o egg cell sa female reproductive system para makabuo ng baby.
- Posibleng mabuhay ang sperm cells hanggang limang araw sa loob ng katawan ng babae. Ibig sabihin, kahit nakipagtalik sa panahong hindi pa naglalabas ng itlog ang babae, pwede pa rin siyang mabuntis dahil maaaring lumabas ang egg cell habang nananatiling buhay ang sperm cells. Kaya importanteng laging protected!
#MalayaAkongMagingLIGTAS
Laging tandaan na mahalagang maunawaan kung paano gumagana ang male reproductive system upang mas magabayan ang may katawan sa mga desisiyon na kakaharapin nila.
Kaya naman kapag dumating ang panahon na makikipagtalik na at nais iwasan ang unplanned pregnancy, tandaan na may mayroong available at epektibong contraceptive method na pwedeng gamitin gaya ng condom. Epektibo ang condom hindi lamang sa pagpigil ng ‘di planadong pagbubuntis kundi pati na rin laban sa mga sakit na pwedeng maipasa sa pakikipagtalik o sexually transmitted infections (STIs).
*Hindi limitado sa identifying labels na lalaki o kalalakihan ang mga taong may male reproductive organs.
**Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.