“Bakit ganun? Sa buong batch namin parang ako na lang ang walang boobs. Normal ba ‘to? May mali ba sa akin? Panghabambuhay na lang bang dalawa ang likod ko?” 

Third year high school na si Jane* pero pakiramdam niya pambata pa rin ang katawan niya. Habang ang mga kaklase niya, unti-unti nang nag-mamature ang katawan at nagdadalaga, ito pa rin siya sa isang tabi, naka baby bra na maluwag pa nga sa kanya. Hindi niya tuloy maiwasang isiping napag-iiwanan na siya.

Bakit nga ba may mga babaeng malalaki ang boobs at mayroon din namang halos flat na? Simple lang ang sagot: Lahat tayo ay nilikha nang magkakaiba. Hindi sabay-sabay nadedevelop ang katawan ng mga babae. Lumalaki ang mga suso bilang tugon sa mga hormone na estrogen at progesterone. Habang pumapasok ka sa pagdadalaga, tumataas ang mga antas ng mga hormone na ito sa katawan mo. Hindi ito sabay-sabay nararanasan ng bawat babae at hindi rin pare-pareho ang kinalalabasan nito kaya wala talagang one-size-fits-all. 

Wala kang dapat ipag-alala. Ang dibdib ay para lang ding ibang bahagi ng katawan. Parang mata lang – may malaki, may maliit, may bilugan, may singkit.

#MalayaAkongMagingMALUSOG

Hindi porke’t dinatnan na ang isang babae ay bigla na lang lalaki ang dibdib nito. Nakasalalay din kasi ito sa maraming mga kadahilanan tulad ng nutrisyon at genetics. Ibig sabihin, ‘yung iba, namamana ang laki, ‘yung iba naman, naka depende sa lifestyle o mga kinakain nila. Ang tissue na nilalaman ng dibdib ay binubuo rin ng taba sa katawan, kaya kung minsan ay naka depende din talaga ito sa bigat o timbang ng isang tao. Hindi dahil maliit ang dibdib mo ay ibig sabihin may kakulangan na sa’yo. 

Kung nagsisimula ka pa lang magkaroon ng dibdib, maaari ring maging mas mabilis ang paglaki ng isang suso kaysa sa isa. Normal lamang ang lahat ng ito at walang kinalaman sa kalusugan mo. 

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.