Ang pagkakaroon ng regla ay isang senyales na ang batang babae ay isa nang ganap na dalaga. Kadalasan itong nagsisimula sa edad na 10 hanggang 15, ngunit maaaring mapaaga o mahuli ito ng kaunti para sa iba. Maraming mga pagbabago ang inaasahang mangyari gaya ng paglaki ng dibdib, paghubog ng katawan, pagkakaroon ng pimples at iba pa.

Bukod pa rito ay inaasahan din ang pagbabago sa hygiene o kalinisan… lalong-lalo na down there, o sa panlabas na bahagi ng puwerta. Kung noon eh paaabutin pa ng dilim bago maligo, aba’y hindi na pwede ito lalo na kapag nireregla. Ang menstrual health and hygiene habang nireregla ay mahalaga para mas mapangalagaan ng isang babae ang kanyang sarili.

Para maging feeling fresh tuwing may regla…

1. Ugaliing magpalit nang napkin, tampon, o menstrual cup nang tama sa oras. 

Magpalit kada 3-4 oras kung sanitary napkin ang gamit, 4-8 oras kung tampon, at 10-12 oras kung menstrual cup. Ang hindi regular na pagpapalit ay maaaring magdulot ng skin rashes, UTI, at iba pang vaginal infections.

2. Maghugas ng vulva tuwing magpapalit.

Ang dugo ng regla ay maaaring sumiksik sa pagitan ng labia at pwede itong maging sanhi ng mabahong amoy. Kung hindi posible ang makapaghugas, punasan muna ito ng tissue o ng wet wipes bago magpalit.

3. Huwag gumamit ng mga feminine wash na maraming kemikal at pabango.

Ang ari ng babae ay may sariling cleansing mechanism. Ang paghuhugas gamit ng mga nabanggit ay maaaring makapatay ng good bacteria na pwedeng maging dahilan ng infections. Gumamit lamang ng tubig at mild na sabon sa labas ng ari.

4. Linisin ang menstrual cup sa bawat paggamit. 

Kung menstrual cup ang gamit sa regla, linisin ito pagkatapos ng bawat paggamit. Banlawan muna ito ng malamig na tubig. Maaring manatili ang amoy sa cup kung mainit na tubig ang gagamitin. Pagkatapos, kumuha ng hindi nagamit na toothbrush para kuskusin ang menstrual cup ng maigi. Laging tiyaking linisin nag menstrual cup pagkatapos ng bawat regla. 

5. Itapon ang gamit na napkin at tampon nang maayos.

Balutin ng papel ang gamit na napkin at tampon para makasigurong napipigil ang pagkalat ng amoy nito. Huwag din itong i-flush sa inodoro upang hindi magbara.

BONUS: MALIGO! Sa pagligo makakakuha ng chance na malinisang maigi ang panlabas na bahagi ng puki. Nakakatulong din itong maibsan ang pananakit ng puson at likod. 

#MalayaAkongMaging MALUSOG

Ilan lamang ito sa mga pwedeng gawin para alagaan ang sarili tuwing nireregla. Tandaan, a clean period is healthy period!