Isang gabi, napagdesisyunan ni Bea at Jingo* na mag sex at hindi gumamit ng condom. Akala nila pareho, porke’t nakainom at medyo lasing sila pareho, hindi naman sila mabubuntis. Sabi-sabi kasi ng kaibigan nila, malaki ang epekto ng alak sa kakayahang makabuntis.

Pagkatapos ng dalawang buwan, nagulat na lang sila na positive ang pregnancy test ni Bea. 

Kung wala pang balak mabuntis o makabuntis, importanteng malaman ito: Walang katotohanang nakakapagpabagal ng paglabas ng semilya ang pag-inom ng alak.

Oo, may posibilidad na mabuntis o makabuntis pa rin kahit na makipagtalik nang lasing o habang umiinom. Tandaan: Alak ito, hindi magic potion. Walang anumang inumin ang may kakayahang kontrolin ang pagbagal at pagbilis ng paglabas ng semilya ng isang lalaki. 

Walang direktang epekto ang alkohol sa pakikipagtalik. Walang scientific basis ang mga sabi-sabi na mapipigilan nito ang pagbubuntis. Bagama’t maaaring mahirapan ang lalaki na tigasan kapag nakainom, hindi nito naaapektuhan ang kakayahang labasan ng semilya na maaaring makabuntis. Ang pinakanaapektuhan nito ay ang kakayahan nating mag-isip nang diretso kaya’t mas mataas ang tiyansang makalimot gumamit ng condom o iba pang klase ng proteksyon kapag nakainom.

Bagamat akala ng iba pampasigla sa pakikipagtalik ang alak, ang labis na pag-inom nito ay maaari ding magkaroon ng negatibong epekto sa ating katawan tulad ng panunuyo ng puki, pagkawala ng ereksyon, at sa ilang pagkakataon, pati na rin ang maagang paglabas ng semilya (kabaliktaran ng iyong inaasam!) Ayon sa mga doktor, maaari ding mawalan ng ganang makipagtalik ang isang tao kapag sobra na ang nainom nitong alkohol.

Importante ring tandaan na ang taong nasa impluwensya ng alak ay walang kakayahang makapagbigay nang malaya na pahintulot (o consent)  sa pakikipagtalik. 

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Kung dumating man ang panahon na mapunta ka sa ganitong sitwasyon at nais mo nang makipagtalik nang may consent kahit pa nakainom, tandaan na laging gumamit ng condom. Oras na pumasok ang ari ng lalaki sa loob o sa paligid ng puki ng babae, may posibilidad na ng pagbubuntis. 

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.