Napakaraming options ng products ang pwedeng pagpilian pagdating ng buwanang dalaw. Isa na rito ang napkin – mayroong with wings, without wings, regular, maxi, overnight, at iba pa. Napkin pa lang, ang dami nang choices, ‘di ba? Ito kasi ang karaniwang ginagamit ng mga kababaihan, transgender men, at taong nonbinary tuwing sila ay may regla. 

At dahil ito ang pinakasikat at madalas nakikita, hindi gaanong nabibigyang pansin ang iba pang available na menstrual products gaya ng tampons, ang sumisikat na menstrual cups, at mga period products na pwedeng labhan.

Kaya ang tanong ay ano ba ang da best na gamitin kapag nireregla? 

Mga karaniwang menstrual hygiene products

Sa paggamit ng menstrual health products, wala namang one-size-fits-all, kaya depende pa rin sa’yo kung anong choice mo. Pero kung hindi ka pa sure kung ano ang pinaka-swak sa’yo, narito ang pros and cons ng mga produktong pwede mong gamitin.

Menstrual pads

Ito ay flat at korteng pahaba na gawa sa cotton, o pinaghalong cotton at rayon, para makasipsip ng dugo mula sa regla. Ito ay dinidikit sa pundilyo ng underwear at pinapalitan kada tatlo hanggang apat na oras, o kung puno na ang napkin.

Pros:

  • Mura at nabibili sa mga sari-sari store at grocery 
  • May iba’t ibang laki at haba depende sa daloy ng regla
  • Mabilis ikabit 
  • Madaling matutunang gamitin para sa mga unang beses reglahin
  • Pwede sa mga nakararanas ng vaginal infection
  • Ligtas mula sa Toxic Shock Syndrome (TSS)

Cons:

  • Posibleng matupi at mawala sa pwesto kung mali ang pagkalagay o mahina ang pandikit o adhesive ng napkin
  • Pwedeng magka-tagos kung malikot o nakahiga ang nakasuot
  • Maaaring mangamoy kung masyado nang matagal na suot
  • Pwedeng maging sanhi ng skin irritation, rashes, at pamumula ng balat lalo na kung mainit ang panahon
  • Mararamdaman ang pagkabasa at ang daloy ng regla
  • Maaaring bumakat sa damit
  • Hindi eco-friendly dahil hindi reusable at may ibang bahagi na plastic 

Tampon

Ito ay hugis bala at gawa sa materyal gaya ng cotton at rayon na mabiilis mag-absorb ng dugo ng regla. Ito ay pinapasok sa loob ng puwerta at kinakailangang palitan kada apat hanggang walong oras. Kahit pinapasok ito sa loob ng puki, hindi masakit ang paglagay nito kaya ‘wag matakot subukan. Kahit ang mga hindi pa kailanman nakikipag-sex ay maaaring gumamit nito. 

💡TANDAAN: Sa totoo lang, ang sexual experience o inexperience ay hindi batayan upang sukatin ang ating pagkatao. Hindi ito ang batayan ng halaga ng isang babae o lalake sa pakikipag-relasyon. 

Pros:

  • Iwas amoy at tagos dahil nasa loob ang pag-absorb nito ng dugo
  • Perfect para sa mga babaeng aktibo sa pag-eehersisyo gaya ng pagtakbo at paglangoy
  • Hindi makararamdam ang babae ng flow o daloy ng regla kapag naipasok na ito
  • Maliit at convenient itong bitbitin
  • Hindi makalat gamitin
  • Hindi bakat sa damit

Cons:

  • Maaaring hindi komportable o nakaka-ilang para sa mga first time na gagamit 
  • Kadalasang hindi available sa mga tindahan 
  • Mas mahal kaysa napkin
  • Hindi ito inaabisuhang gamitin kung matutulog nang matagal
  • Hindi eco-friendly dahil kadalasan, gawa sa plastic ang applicator at hindi reusable 
  • Posibleng maranasan ang TSS dahil ang dugo sa tampon ay pwedeng pamahayan ng bakterya kapag masyadong matagal itong nasa loob ng katawan

Menstrual cup

Bagamat lumang imbensyon, kailan lang nagsimulang maging sikat ang paggamit ng menstrual cups. Gawa ito sa flexible na medical grade silicone, rubber, o latex na ipinapasok sa loob ng ari para sahurin o kolektahin ang dugo ng regla. Inaalis ang laman nito kada 10 hanggang 12 oras at hinuhugasang maigi bago gamitin ulit. Ini-isterilize din ito pagkatapos ng regla.

Pros:

  • Reusable ito nang mula anim na buwan hanggang sampung taon!
  • Malaki ang matitipid sa paggamit nito dahil hindi kinakailangang bumili kada buwan
  • Eco-friendly 
  • Wala itong kemikal na sangkap kaya iwas impeksyon at iritasyon sa balat
  • Safe mula sa tagos at amoy

Cons:

  • Mas kumplikado gamitin sa simula dahil may mga tamang tupi na dapat gawin bago ipasok sa ari para masiguradong masasahod nito ang regla 
  • Pwedeng maging makalat ang pagtanggal nito kung hindi pa sanay gamitin 
  • Kailangan ng malinis na tubig sa paglilinis ng cup, at minsan ay mahirap ito mahanap sa ilang pampublikong CR 
  • Kung hindi lilinising mabuti ang cup, maaaring magdulot ng urinary tract infection (UTI) sa muling paggamit
  • Kailangang tama at akma ang size ng menstrual cup para maging mas epektibong gamitin

Mga washable period products

Maliban sa napkin, tampon, at cup na nabanggit, mayroon pang ibang pwedeng gamitin sa regla. Narito ang pasador at period underwear, at ang kanilang pros and cons.

Pasador o menstrual cloth pads

Ito ay menstrual pad na gawa sa tela at pwedeng labhan para magamit muli. Pareho lang ang hugis nito sa disposable napkins. Karaniwan itong gawa sa ilang layer ng cotton o bamboo na tela dahil sa kakayahan nitong sumipsip ng dugo ng regla. Mayroon itong clip o butones para maikabit sa underwear. Pinapalitan ito kada 4-5 oras o depende sa bigat ng daloy ng regla. 

Pros:

  • Pwedeng labhan at gamitin muli
  • Mas matipid sa katagalan dahil pwedeng tumagal ng 3-5 taon kung aalagaang mabuti
  • Magandang option para sa mga sumusunod sa zero-waste lifestyle 
  • Iwas rashes at komportableng gamitin dahil wala itong plastik na kumikiskis sa balat
  • Pwede sa sensitibo ang balat dahil wala itong synthetic na kemikal tulad ng pabango

Cons:

  • Maaaring hindi akma sa mga malakas ang daloy ng regla
  • Mararamdaman ang pagkabasa at ang pagdaloy ng dugo
  • Kailangang maglaan ng oras para sa paglalaba at pagpapatuyo nito
  • Kailangang gumamit ng maraming tubig at sabon sa paglalaba upang linisin ang mga ito nang lubusan para maiwasan ang posibilidad ng impeksyon
  • Mas mabuti kung may isang set na sapat na para sa kabuuan ng regla, dahil kailangan itong patuyuin bago magamit muli 
  • Kailangang magdala ng angkop na lalagyan para sa gamit na pasador kung magbibiyahe o kung hindi agad makakapaglaba

Period Underwear

Ang period underwear ay kamukha at sinusuot tulad ng normal na underwear, ngunit gawa ito sa ilang layer ng espesyal na tela. May mga period undies na ginagamitan ng microfiber polyester na napaka-epektibo sumipsip ng dugo. Ginagamitan din ito ng waterproof na layer ng tela para hindi tumagos sa damit. Ang iba’t ibang brand ay magkakaiba ng ginagamit na teknolohiya o kombinasyon ng materyal. Naka-depende sa kapasidad ng period underwear at sa daloy ng regla kung kailan ito dapat palitan.

Pros:

  • Komportableng suotin
  • May iba’t ibang size, materyal, at kapasidad na pwedeng pagpilian depende sa pangangailangan 
  • Iwas amoy kung ang gamit ay may antimicrobial properties
  • Hindi bakat o bulky sa ilalim ng damit
  • Maaaring tumagal ng ilang taon kung aalagaang mabuti kaya mas tipid kung tutuusin kesa sa disposable period products
  • Magandang option para sa mga sumusunod sa zero-waste lifestyle

Cons:

  • May kamahalan
  • Hindi laging available o madaling hanapin sa merkado 
  • Kailangang maglaan ng oras para sa paglalaba at pagpapatuyo
  • Kailangang gumamit ng maraming tubig at sabon sa paglalaba upang linisin ang mga ito nang lubusan para maiwasan ang posibilidad ng impeksyon
  • Mas mabuti kung may isang set dahil kailangan itong patuyuin bago magamit muli  
  • Mahirap magpalit kung nasa pampublikong CR

#MalayaAkongMagingMalusog

Sa panahon ngayon, marami nang pagpipilian na produkto para sa regla at lahat ay may sari-sariling pros at cons. Alin man ang mapili mong gamitin – mapa napkin, tampon, cup, o washable man – ang mahalaga ay kung saan ka pinakakomportable.