Mula pa noong bata ay mag-BFF na sina Samantha* at Andrea* (Sam at Andi for short), kaya naman kahit ano’ng impormasyon tungkol sa buhay ng isa’t isa—mapa-crush, score sa quiz, o paboritong flavor ng pancit canton—alam na alam nila!
Nag-matchy matchy rin sila noong costume party nila sa school: si Sam si Olaf, tapos si Andi naman si Elsa.
“Bakit hindi na lang si Anna yung costume ni Samantha?”, tanong ng kaklase kay Andi.
“Eh, mas bagay naman talaga sa personality ni Sam si Olaf…tsaka ang kati-kati kaya nitong gown at wig! Mas okay para kay Sam yung kumportable para sa kanya.” depensa ni Andi sa kaibigan.
Nagpatuloy pa rin ang “no secrets” BFF rule ni Sam at Andi hanggang high school. Nagka-crush si Sam sa classmate nilang babae na si Hannah*, at si Andi naman nagka-crush sa classmate nilang lalaki na si Mark*. Mula noon, walang tigil na ang kwentuhan ng dalawa tungkol sa kilig moments nila!
Pagtungtong ng dalawa sa college ay hindi na required mag-uniform, kaya naman excited sila sa first day nila dahil mas malaya na silang mag-express ng kanilang identity sa outfit of the day o OOTD nila. Isinuot ni Sam ang kanyang go-to polo, at isinuot naman ni Andi ang kanyang paboritong dress.
“Kinakabahan na ‘ko sa introduce yourself portion ng klase! Paano ka pala magpapakilala?” tanong ni Andi habang papunta sa campus.
“Andrea, parang gusto ko nang magpakilalang Samuel.” seryosong sagot ni Sam.
Napangiti si Andi at niyakap si Sam. “Hello, Samuel! Bagay na bagay sayo!”.
Lahat tayo magkakaiba
Tulad nina Andi at Sam, walang dalawang tao ang ipinanganak na magkapareho. Kahit mag-BFF, kambal o triplets pa ‘yan, meron at meron pa rin silang pagkakaiba, mapa-personality, paniniwala, galaw, o kahit pananalita.
Halimbawa, pagdating sa wika, sa Pilipinas pa nga lang, mahigit isang daan na kaagad ang uri nito. Hindi pa kasama riyan ang mga Pinoy slang tulad ng jejemon, bekimon, Manila conyo, o Davao conyo ha!
Ang tawag dito ay diversity o pagkakaiba-iba. Ito ang mga bagay na bumubuo ng pagkakakilanlan natin sa sarili, at kung paano natin gustong makilala ng iba.
May diversity din sa gender at sexuality
Bukod sa mga pagkakaiba sa wika, meron ding diversity sa lahi, relihiyon, at iba pang mga favorite things na ipinasusulat sa mga slam book. At alam n’yo ba na mayroon ding pagkakaiba pagdating sa gender at sexuality?
Maaaring mas pamilyar tayo sa kinagisnang binary genders, o ang pag-classify sa tao bilang babae o lalaki lamang. Madalas itong binabase sa sex assigned at birth: meaning, kapag ang ipinanganak na sanggol ay may titi ay lalaki ito, at kapag naman may puki ay babae ito.
Pero para sa iba, ang pag-classify sa mga tao bilang babae o lalaki lamang, pati ang expectation na maa-attract lamang sila sa tinatawag na opposite gender, ay nagdudulot ng mga limitasyon sa buhay at hindi tugma sa realidad.
Inihahalintulad sa spectrum ang gender at sexuality, dahil wala dapat itong mahigpit na pagitang linya o classifications. Malaya dapat tayong kilalanin kung sino tayo maski na hindi base sa ating sex assigned at birth at, sa parehong paraan, sinusuportahan din dapat natin ang iba na gawin ito. Bukod diyan, malaya din dapat tayong ipahayag ang ating pagkakakilanlan, at malaya din dapat tayo magmahal ng kung sino ang gusto natin, maski ano pa man ang kanilang kasarian.
Love over differences
Ang tagal ng friendship nina Sam at Andi sa kwento ‘no? Ano kaya’ng secret nila?
Isang bagay lang ‘yan: inuunawa at tinatanggap nila ang isa’t isa. ‘E ano naman kung mas ramdam ni Sam na lalaki siya, at ano naman kung magkaiba ang gender ng crush nila? Ang mahalaga, pareho silang masaya!
Imagine, kung ganito ang lahat nang tao sa pagtanggap ng ating pagkakaiba—mapa-gender, lahi, kultura, o relihiyon—hindi ba’t maiiwasan ang samaan ng loob, at magiging mas masaya ang lahat?
Pero sa hinaharap nating reyalidad na nakakulong pa rin sa dominanteng paniniwala, nakararanas pa rin ang mga tao ng diskriminasyon, pangmamaliit, masasakit na bansag, pananakit, at pambu-bully dahil lamang sa pagkakaiba
Para mabago ang ganitong negatibong pag-uugali sa komunidad, simulan natin ito sa pagtanggap sa sarili nating identity o pagkakakilanlan at pag-unawa sa identity ng iba. Unang hakbang ito para suportahan ang adhikain ng pantay-pantay na pagtrato at pag-respeto sa mata ng batas at ng kapwa.
#MalayaAkongMagingMasaya
Tandaan, kapag nakamit ng iba ang kanilang karapatan ay hindi naman ibig sabihin na mawawala ang iyo. Tulad ng samgyupsal, unli dapat ang pag-unawa at pagtanggap. Deserve nating lahat ng ligtas na espasyo upang malaya tayo maging totoo.
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.