Hindi maintindihan ni James* kung bakit parang nahihiya, kinakabahan, at  naglalaho lahat ng nasa paligid niya tuwing nakikita niya si Kevin*. Napaka-green flag naman kasi niya—mabait, matalino, class president, tapos pogi pa! Ano kaya itong feeling na ‘to? Hindi niya naman ito nararamdaman kapag iba ang kasama niya!

Isa lang ang malinaw dito—crush ni James si Kevin!

Kung ang tanong natin sa gender identity ay “Babae ba ako, lalaki, both, o none of the above?”, ang tanong naman natin sa sexual orientation ay “Kanino ba ako nakakaramdam ng kilig?” o “Sino ba ang gusto kong maging jowa?”. Magkaiba ang dalawang konseptong ito pero marami ang nalilito!

Ang gender identity ay ang personal na pagkakakilanlan ng kasarian ng isang indibidwal, habang ang sexual orientation naman ay tumutukoy sa ating emosyonal, pisikal o at romantikong atraksyon sa ibang tao.

Dapat malinaw sa atin ang pagkakaiba na ito dahil nakasanayan sa ating lipunan na kinakabit sila sa isa’t isa. Kapag girl daw, boy dapat ang gusto, at kapag boy daw, girl dapat ang gusto. Pero mapapansin nating may mga indibidwal na hindi naisasama sa ganitong limitadong pagtingin sa sexual orientation.

Kung may kasabihan sa love na “opposites attract”, meron din namang “like attracts like”. Kaya bakit natin lilimitahan ang experience ng mga tao sa love?

Mga Halimbawa ng Sexual Orientation

May iba’t-ibang uri ng sexual orientation at puwedeng nakakalito ang mga ito lalo na kung unang beses mong malaman ang tungkol dito. Para mas madaling ma-gets, gumamit tayo ng symbols (0, 1, 2+ at ?) at mga halimbawa. 

0 (Asexual)

“Bakit parang bet na bet ng mga tao at mga bida sa romcom na makipag-sex? Requirement ba ‘to? Parang ‘di ko naman bet yung idea!”

Hindi requirement sa buhay ang pakikipag-sex o pagkakaroon ng sexual attraction sa iba. May mga taong wala o limitado lamang ang sexual attraction sa kahit anong klase ng kasarian—at sila ang tinatawag na asexual

Kinikilig at gusto pa rin naman nilang jumowa romantically, pero hindi sila interesadong makipag-sex o gumawa ng kahit anong sekswal na bagay kasama ang ibang tao. Kung kaya’t ang taong asexual ay pwede pa ring mag-identify bilang gay, lesbian, bisexual, o straight.

Dahil malawak ang spectrum ng sexual orientation, ang asexuality ay maaaring gamitin bilang umbrella term na sumasaklaw sa demisexual (kailangan muna ng matagalang pagkakakilanlan bago magkaroon ng sekswal na atraksyon), greysexual (sobrang limitado at mababang intensity ng sekswal na atraksyon), at iba pang uri nito.

Tandaan: Hindi porke wala ka sa mood makipag-sex ay asexual ka na. Maaaring mababa lang ang libido o sex drive mo sa oras na iyon, at sa ibang panahon ay may pagnanasa ka parin na makipag-sex sa iba. Ang pagiging asexual ay karaniwang isang orientasyon na pangmatagalan. 

Ngunit, marapat din na tandaan na ang sexual orientation ay fluid – ibig sabihin, maaaring magbago ito sa paglipas ng panahon. Kung ngayon ay asexual ka dahil hindi ka nakararanas ng sexual attraction o pagnanasang makipag-sex sa iba, puwedeng paglipas ng ilang linggo o buwan ay maka-experience ng sexual attraction nang mas madalas. Puwede ring baliktad: kung dati ay heterosexual o bisexual ka, ngayon naman na-realize mo na asexual ka pala talaga. Hindi ibig sabihin nito na nalilito ka lang o phase lang ang asexuality. Pinapatunayan lang nito na nagbabago talaga ang ating sexual orientation at ito ay normal at healthy!  

 1 (Monosexual)

“Iisang sex o gender lang ang bet ko!”

Heterosexual

Sila ang mga tao na ang romantiko, emosyonal at/o pisikal na atraksyon ay sa mga taong may ibang kasarian. Halimbawa: babae na nagkakagusto sa lalaki o lalaki na nagkakagusto sa babae. 

Homosexual

Naa-attract naman sila sa mga tao na may kaparehong kasarian. Halimbawa: mga gay o bakla (lalaking nagkakagusto sa kapwa lalaki) o lesbian o lesbiyana (babaeng nagkakagusto sa kapwa babae).

2+ (Multisexual)

Bisexual

“Hindi lang iisang sex o gender ang bet ko!”

Bisexual ang tawag sa mga taong nagkakagusto sa mga taong kapareho nila ng kasarian, pati sa mga taong iba ang kasarian sa kanila. Ibig sabihin, maaari silang ma-attract sa cis o trans na babae o lalaki, mga non-binary, at iba pa. Hindi required na pantay ang lebel ng atraksyon nila sa bawat kasarian para matawag na bisexual.

Pansexual

“Basta mabait at kinikilig ako sa kanila, regardless of sex o gender, ang bet ko ay bet ko!”

Sila ang mga na-aattract sa tao base lamang sa pagkatao nito. Para sa mga pansexual, hindi kailanman mahalaga kung ano ang kasarian ng taong gusto nila.

? (Questioning)

“‘Di ko pa sure eh. Kailangan ko pa ng time!”

Sila yung mga hindi pa sigurado at ine-explore pa lamang ang kanilang sexual orientation. No pressure!

Paano Kung Ayaw Ko ng Label?

Wala namang pressure kung sa tingin mo ay hindi ka pa nare-represent nang mabuti ng mga partikular na label. Tanging ikaw lang ang makakapag-decide sa iyong sarili kung paano mo naiintindihan ang iyong sexual orientation, kung kailan mo ihahayag ito, o kung dapat pa ba. 

After all, hindi naman ito permanent ‘no! Again, ang sexual orientation ay fluid at maaaring magbago

Pero tandaan, hindi ito pwedeng ipilit ng ibang tao sayo o daanin sa dasal. Nangyayari ito nang kusa. At nasa’yo din kung isasabuhay mo ito sa pagpili ng mga karelasyon sa buhay. 

Kung Ganun, Bakit Pa Merong Label?

Ang punto ng mga label ay para maka-relate o connect sa ibang tao na may parehong karanasan na mabuhay sa kanilang gender identity at isabuhay ang kanilang sexual orientation. 

Mula rito ay makakabuo sila ng komunidad na hinihikayat ang malayang pagpapahayag ng sarili, nang sa gayon ay mas maunawaan nila ang kanilang pagkakakilanlan!

#MalayaAkongMagingMASAYA

​​Ang pag-explore ng sekswalidad ay maaaring nakakalito at nakakatakot pagdaanan. Pero ‘wag kang mag-alala, hindi ka nag-iisa sa journey na ito!

Kung tingin mo ay sigurado ka na sa iyong sekswalidad, good for you! Maaari mo nang simulan ang proseso ng paghahanap ng suporta mula sa iyong komunidad at pagpapahayag ng sarili.

Kung ikaw ay may pagdududa o nalilito pa sa sariling gender identity at sexual orientation, mainam na maghanap ng komunidad na makikinig at susuporta sa ‘yo. Kung may kakilala ka namang nasa ganitong sitwasyon, bigyan sila ng assurance at encouragement sa patuloy nilang pagdiskubre sa sarili!

Ang iyong sexual orientation ay valid, regardless sa kung ano pa mang pagtingin ng ibang tao rito. Tandaan, ikaw—at ikaw lamang—ang makakaramdam at makakapagpasya kung ano ang iyong sekswalidad!

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.