Question:
Naranasan mo na bang ma-underestimate o hindi maseryoso ng ibang tao dahil sa edad mo o dahil bata ka pa raw? Ano ang nangyari at paano mo napatunayan ang sarili mo sa kabila nito?

1st Place: Raul Regis

#MalayaAkongLumikhaWeek4 1st Place

Maraming pwedeng maging hadlang sa pangarap pero hindi ibig sabihin nito ay susuko ka nang tuluyan. Ganito ang karanasan ni Paul Regis, ang #MalayaAkongLumikha Week 4 First Place winner. Basahin ang kanyang experience 👇🏼

Ang iginuhit ko ay isang pagsasalarawan kung ano ang bunga ng pag-underestimate sa mga kabataan. 

Dati, kapag may proyekto sa paaralan, madalas ang gumagawa nito ang nanay ko o ang pinsan ko. Kahit na mahilig akong mag-drawing, hindi ako ang gumagawa sa mga ipinapasa ko sa teachers—at alam kong hindi lang ako ang nakaranas nito. Gusto kasi ng mga magulang natin na maganda ang maipasa nating proyekto para mataas din ang markang makuha natin. Isa ito sa mga problema kung saan mas pinahahalagahan ang grades, at hindi ang mismong pagkatuto, kaya minsan pumapatol na lang tayo sa mga practices na mas mabilis.

Lumaki akong hinahangaan ang galing ng pinsan ko sa pagguhit ngunit hindi masyadong confident sa mga sarili kong gawa. Lumaki rin akong pinapahalagahan ang sinasabi ng iba sa akin, lalo na ng mas nakakatanda sa pamilya, at minsan sa sobrang pagpapahalaga rito ay naapektuhannito ang pagpapasya at pananaw ko sa sarili. Mas bumaba ang confidence sa art ko dahil sa paaralan may mga kaklase akong mas matanda sa akin at mukhang mas magaling din sila sa pagguhit. Minsan ay ikinukumpara din nila ako sa ibang artists na matagal nang gumuguhit. “Tingnan mo siya, ang ganda ng gawa oh. Gagaling ka rin kapag matanda ka na.” Pero imbes na ma-inspire, pinaramdam non sa akin na wala akong husay, na baka hindi talaga para sa akin ito. Naisip ko siguro nga nasa edad yon. \ Kaya mula sa pagiging bagay na pinakagusto kong gawin sa mundo, ang pagguhit ay bagay na hindi ko na masyadong napagtuunan ng pansin.

Hindi naman ako huminto. Nakakapag-sketch pa rin naman ako ng random na bagay kapag nababagot sa klase at nakasali rin sa mga poster-making contest. Gusto ko pa rin naman siya, pero parang pampalipas-oras na lang kapag wala akong magawa, at ang mga artwork ko ay madalas hindi talaga naipapakita sa iba dahil minsan may pakiramdam pa rin na hindi ako magaling.

Nung pumipili ako ng kurso sa kolehiyo, balak ko talaga kursong may kinalaman sa arts dahil gusto kong mahasa ang kakayahan ko rito, ngunit sabi ng mga nakatatanda sa akin, wala namang pera sa pagiging artist, mahihirapan lang daw ako makahanap ng trabaho sunod. Pinaniwalaan ko sila, siguro mas marami nga silang alam tungkol sa mga don kaya mas magandang tumalima sa sinasabi nila. Ibang kurso ang pinili ko, hindi na arts.

Wala naman akong naging pagsisisi sa kinuha kong kurso ngayon, ngunit minsan naiisip ko kung ano kaya ang nangyari kung pinili ko ang sining? Mas masaya kaya ako ngayon kung pinili ko ang bagay na talagang gusto ko?

Ngunit sa kabila ng lahat, masaya pa rin akong gumagawa ng sining ngayon. Kapag nakakagawa ako ng bagay na sa palagay ko maganda, sobrang masaya ako. Kahit hindi iyon maganda para sa mundo, ginawa ko naman ito para sa sarili ko at hindi para sa iba. Kahit pinaramdam ng iba sa akin na hindi ako magaling, nagpatuloy ako at patuloy pa rin akong guguhit.

Ang mga pagkakataong gumuguhit ako ay ang mga pagkakataong pinipili ko ang sarili ko.

Tulad ni Paul, hindi mo kailangang isuko nang tuluyan ang gusto ng puso mo. Gawin mo ito para mapasaya ang sarili mo. CONGRATULATIONS, Paul! 🤗

2nd Place: EJ13

#MalayaAkongLumikhaWeek4 2nd Place

SAD REALITY: Minsan hindi maiiwasan ang di patas na pagtrato sa workplace, lalong lalo na kung ikaw ay mas nakababata kumpara sa iba. 😔 Ganito ang naging kwento ng 2nd Place winner na itatago natin sa pangalang “EJ13”. Basahin ang kanyang kwento 👇🏼

“ANG TUNAY NA MULAT SA REALIDAD” Kagaya ng isang kuwago sa larawan, ang buhay ko noong high school ay umiikot lang sa pagsa-sideline sa isang teatro, literal na tulog sa umaga, gising sa gabi dahil pang-hapon naman ang klase ko.

Kapag mas bata ka, hindi maiiwasan ang diskriminasyon lalo na kapag may mga kapareho ka ng trabaho na mas matanda sa iyo.

Isang beses ay may nagsabi sa akin nang pabiro na dapat ay kalahatiin na lang ang sahod naming mga mas nakababata dahil hindi naman kami regular sa trabahong iyon. Pero kung walang magsasalita ay walang makakaintindi, kaya mahinahon kong sinabi na walang pinipiling edad ang trabaho basta kaya mo itong gawin. Kaya ano man ang edad mo, dapat patas ang pagpapasahod.

Congratulations, EJ13 sa pagkamit ng 2nd Place at salamat for inspiring us na tumayo at manindigan para sa aming karapatan!💖

*Minor edits were done on text for grammar, spelling, and style.

3rd Place: Lyka Mae Mayuga

Ayon kay Lyka Mae Mayuga, ang 3rd Place winner ng #MalayaAkongLumikha Week 4, noon ang tingin niya sa kanyang sarili ay isang batang walang kakayahang magdesisyon sa sariling kagustuhan.

Tila wala siyang karapatan at pagkakakilanlan.

Pero isang araw nagising na lang siya sa katotohanan na dapat niyang ipakita na may kaya siyang gawin at kahit bata pa ay mayroon din siyang maipagmamalaki. Naging susi sa realization niya ang ideang ito – “surround yourself with good people.”

Payo niya na lumabas sa iyong comfort zone at kumilala ng mga taong makaka-appreciate sa iyo. Yung makakasama mo sa bawat kasiyahan at kalungkutan.

Nahanap na niya ang “good people” para sa kanya kaya naman gusto niyang maging instrumento para sa mga kabataang nakakaramdam ng kawalan ng tiwala sa sarili. 🥰

CONGRATULATIONS sa pagkamit ng 3rd Place Lyka at salamat sa nakaka-touch na kwento at payo mo sa kapwa mo kabataan.👏🏼