Sa wakas, lumuwag ang safety protocols at pwede nang lumabas ang mga kabataan. Exciting! Kaya itong si Abbi* at Gwen*, nagkayayaan agad lumabas.
“Bihhh, tambay tayo dun sa milktea-han? Bukas na rin sila!” Text ni Gwen kay Abbi.
“Aba, libre mo? G!” Reply ni Abbi.
Pagdating sa fave tambayan, nadiskubre nila na halos puno ang cafe, kaya pinili ni Abbi na pumwesto na lang sila sa mga upuan sa labas o ‘yung tinatawag ring ‘al fresco’ sa mga kainan. ‘Di bale nang mediyo maalinsangan, at least may fresh air pa rin naman! Hinubad agad ni Gwen ang facemask niya pagkaupong-pagkaupo, sumigaw na “MISS NA MISS KITA, BIIIIIHHHHH!” habang akmang yayakapin si Abbi.
Umiwas si Abbi. Nag-flashback lahat ng hirap na pinagdaanan niya noon ‘nung nadapuan ng COVID-19 ang buong pamilya niya. “Sorry, bih! Na-trauma lang ako magkaroon ulit ng virus. Kaya talagang ingat na ingat ako pati ang mga tao sa bahay.”
Wala nang COVID-19 restrictions, so chill na?
Ang kay Abbi lang naman, gets niya ang mga pag-aaral na kahit mas maluwag na ang safety protocols dahil sa mababang bilang ng COVID-19 cases, malaki pa rin ang posibilidad na madapuan ulit siya ng virus dahil maraming silent carrier sa paligid niya – ito yung mga hindi nila alam na may COVID-19 sila, dahil asymptomatic o walang nararamdaman na sintomas ngunit nakakahawa.
Bakunado pero ‘di garantisado
Marahil dahil marami sa atin ang nakapagpa-bakuna at nakapagpa-booster na para maproteksyonan sa COVID-19, mas naging relaxed na rin tayo at mas madalas nang makisalamuha sa iba.
Pinalalakas ng bakuna ang ating katawan para malabanan ang virus at mapigilan ang paglala ng mga sintomas na siyang nakamamatay.
Pero tandaan na hindi porke’t bakunado na tayo ay hindi na tayo mahahawa at makakahawa ng virus.
Maaaring mas kakayanin nga ng mga katawan ng mga bakunado ang masamang epekto ng COVID-19, pero kailangan pa rin itong iwasan dahil hindi pare-pareho ang pagresponde ng katawan sa virus. Siyempre, ayaw din naman natin na mahirapan ang mga taong maaaring mahawa sa atin lalo na ang mga mahal natin sa buhay, ‘di ba?
Posibilidad ng re-infection
Ang COVID-19 virus ay nagmu-mutate o nagbago ng anyo at katangian sa paglipas ng panahon. Kaya kung nahawa ka man sa isang variant o uri ng virus, ay hindi ibig sabihin na immune ka na o hindi na madadapuan ng ibang variant. Tandaan na kapag na-infect ka ulit ng virus, malaki pa rin ang posibilidad na makahawa ka ng iba.
Hindi rin totoo ang haka-haka na kapag ilang beses ka nagkaroon ng COVID-19 ay masasanay na ang katawan mo dito at mas mild na ang sintomas na mararanasan. Sa katunayan, may mga pag-aaral na nagpapakita na mas malaki ang posibilidad ng severe symptoms para sa mga suki na ng virus dahil sinisira at pinahihina ng COVID-19 ang iyong body organs sa bawat pagkakataon na infected ka nito. Sa usaping ito, what doesn’t kill us makes us weaker. Kaya tama lang na iwasan natin magka-COVID-19!
Banta ng long COVID
Siguro tanggap na ng karamihan ngayon na endemic na ang COVID-19. Ibig sabihin, parte na ito ng ating buhay gaya ng common flu at “lahat tayo ay magkaka-COVID din”. Sa katunayan, kapag kausap natin ang mga kamag-anak o kaibigan, ang tanungan na ngayon ay, “So kailan ka nagka-COVID?”
Gayunpaman, dapat pa rin natin itong iwasan, hindi lamang para matigil na ang pagkalat nito, at paghina ng ating katawan, kung hindi dahil na rin sa maaaring pangmatagalang epekto ng virus sa atin.
May mga taong successful na naka-recover mula sa COVID-19 ang patuloy pa ring nakakaranas ng mga post-COVID effects o ‘yung tinatawag na long COVID. Ayon sa mga pag-aaral, ang karaniwang sintomas na patuloy na nararanasan ng mga may long COVID ay ang mga sumusunod: pag-ubo, hirap sa paghinga, kawalan ng pang-amoy o panlasa, at hirap sa pagko-concentrate o ika nga nila ay brain fog o “COVID brain”.
Kahit wala kang comorbidity o sakit gaya ng high blood pressure, diabetes, obesity, at kahit hindi ka rin nagyo-yosi, maaari ka pa ring magkaroon ng long COVID. Ang hassle pa dito, tumatagal ito ng anim na buwan o higit pa.
Hindi ‘yun masaya, besh! Mas maganda pa rin kung 100% na functional ang ating katawan.
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Nandito pa rin ang COVID, but life goes on!
Kahit nandito pa rin ang virus, halos back to normal na rin ang lahat. Pwede nang mag-dine in, bukas na ang mga malls at ibang pampublikong pasiyalan, face-to-face na ang mga klase, at balik on-site na rin ang mga empleyado. Tuloy lang ang buhay!
Habang naghahanap ng lunas ang mga experts para tuluyang mapuksa ang COVID-19 virus, magpalakas ng immune system: magpa-vaccine, magpa-booster, at kumain ng masusustansyang pagkain katulad ng gulay at mga prutas na mayaman sa bitamina para may pangontra ka laban sa sakit. Sundin pa rin ang mga health protocols para manatiling safe. Huwag na lang rin munang mag-party kung kaya namang iwasan, o kung miss na miss na talaga ang barkada, ugaliing mag-face mask at mag-sanitize, at piliin makipag-kita sa labas o sa mga lugar na hindi kulob at maganda ang ventilation.
Mababa man ang kaso ng COVID-19 ngayon, tandaan na hindi pa ito totally nawa-wipe out. Ingat pa rin, beshies, at padayon!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.