Grabe, ilang taon na simula nung unang makapasok ang COVID-19 sa Pinas. May mga variants na rin ang pumasok sa bansa natin; may Delta, may Omicron, at syempre ayaw na nating madagdagan pa ang mga ito.
Ang dami na ring taong nahawa ng virus na ‘to sa kabila ng kaliwa’t-kanang mga lockdowns at restrictions. Ang biro nga dati ‘di ba, palakasan na lang ng guardian angel. Kaya kung hanggang ngayon ay never ka pang nag-positive sa COVID-19, aba, congrats! Pero ‘wag pa ring makampante kasi posible pa ring mahawa ka rito. Kahit bakunado ka o nagkaroon ka na nito, pwedeng-pwede ka pa ring mahawa ulit.
Ngayong balik face-to-face na ang halos lahat, dapat magdoble-ingat! Kaya narito ang anim na basic health protocols na dapat mong sundin para maprotektahan ang iyong sarili laban sa banta ng COVID-19:
1. Magsuot ng face mask.
Siguraduhing maayos ang pagkakasuot nito; nakatakip dapat ang ilong at bibig. Kahit hindi komportable at mainit ang magsuot ng face mask, parang shield ‘yan na proteksyon mula sa virus. Kasi tandaan, hindi porket walang sintomas ay negative na sa COVID-19 dahil may mga taong asymptomatic o walang sintomas pero pwede pa ring makahawa. Kaya mask up pa rin, mga ferson!
2. Maging hygienic.
Isa sa pinakamabisang paraan para labanan ang virus ay ang maayos na hygiene practices. Kumakalat kasi sa hangin ang virus sa pamamagitan ng respiratory droplets kaya kahit ilang “Excuse me po!” pa ang sabihin ng taong infected, naku, ‘di ka iiwasan ng virus; kakapitan ka pa niyan! Nakukuha din ito kapag may nahawakan kang bagay na kinapitan na ng virus at pagkatapos ay hinawakan mo ang iyong bibig, mata, o ilong. Kaya mahalaga ang hand hygiene. Ugaliing:
- Maghugas ng kamay palagi gamit ang sabon at tubig nang at least 20 seconds o kaya ay gumamit ng alcohol o alcohol-based hand sanitizer.
- Iwasang hawakan ang mukha. Struggle ‘no? Pero ang paghawak ng mukha o mga parte nito gaya ng bibig, mata, at ilong ay pwedeng magdala sa’yo ng virus.
- Takpan ang bibig at ilong kapag babahing o uubo kung sakaling hindi ka naka-mask.
3. Mag-physical (or social) distancing.
Kahit pa maluwag na ang mga restrictions ngayon at marami nang tao ang balik face-to-face o on-site na sa school at trabaho, ugaliin pa ring mag-physical distancing. Kahit gustong-gusto mo nang maging clingy kay jowa o sa mga friends mo, konting distansya pa rin, amigo!
4. Magpabakuna at magpa-booster.
Mahalagang palakasin ang immune system para mas malabanan ng katawan ang virus gaya ng COVID-19. Kaya importante ang pagpapabakuna at pagpapa-booster para mapababa ang chance na mahawa ka at magkaroon ng malalang sintomas. Kaya kahit anong brand pa ‘yan ng bakuna, magpaturok na para protektado ka!
5. Kumain nang tama, at galaw-galaw din pag may time!
‘Wag natin i-asa lahat sa bakuna mga friends. Alam naman natin na maski bakunado tayo hindi pa rin garantisado na 100% safe na tayo sa COVID-19. Strengthen your body defense system sa pagkain ng mga masusustansiyang food katulad ng mga gulay at prutas. Ugaliin din natin na magkaroon ng regular physical activity katulad ng exercise, sports, o kahit Tiktok dances man yan! ‘Di lang katawan natin ang masaya niyan, magiging happy din ang ating pakiramdam!
6. Iwasan ang mga kulob na lugar
Kung kailangang lumabas, piliin ang lugar na hindi kulob at may magandang ventilation. Bet niyo bang kumain sa labas? Gawing literal ‘yan at piliing mag-al fresco dining, o piliing pumwesto sa labas ng mga kainan para may magandang daloy ng hangin sa paligid. I-practice din ang magandang ventilation sa bahay; buksan lamang ang mga bintana para mas maganda ang pasok at labas ng hangin. Sa ganitong paraan, mas safe ka mula sa virus.
O, ‘wag totally umasa sa guardian angel ha. Protektahan natin ang ating mga sarili. Hindi na bago sa atin ang banta ng COVID-19 sa araw-araw na paglabas o pakikisalamuha sa iba, kaya by this time dapat master na natin mga basic protocols na dapat sundin para manatiling virus-free.
Para mas madaling matandaan ang mga nabanggit na tips sa itaas, gawin lang ang B-I-D-A behaviors!
B: Best friend natin ang mask
I: Ingatan at hugasan ang kamay
D: Dumistansya muna
A: Airflow ay panatilihin
At siyempre, magpabakuna at magpa-booster na!
Para sa dagdag na impormasyon tungkol sa virus at mga health protocols, basahin at i-download ang Gabay sa COVID-19 booklet ng Department of Health (DOH).
#MalayaAkongMaging LIGTAS
Hindi porke’t pakonti na nang pakonti ang mga nagkakaroon ng COVID-19 ay dapat nang maging kampante. Ugaliin pa ring sumunod sa mga basic health protocols para ‘di basta-basta mahawaan at makahawa ng sakit.