Kakaibang pagbabago talaga ang idinulot ng pandemic sa social life ng mga tao, ‘no? Umabot nang lagpas isang taon na hindi nakalabas ang mga kabataan. Pero ngayong 2022, medyo back to normal na uli ang buhay sa labas. Pwede na ulit gumala kasama ng pamilya’t barkada. Face-to-face na rin ang mga klase sa ilang paaralan. Ang saya, ‘di ba? Just like old times. Pero wait, wait, wait! Kung akala mo ay okay na ang lahat, hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 ngayon. May invisible virus pa ring umaaligid at ready kang dapuan anytime.

May kilala ka bang lagpas isang beses nang nahawaan ng COVID-19 virus? ‘Yung tipong parang every year complete attendance siya sa pagkakaroon nito? Iniisip mo siguro kung posible ‘yon, ‘no? Pero oo, beshie! Posibleng mahawaan ng COVID-19 virus nang paulit-ulit ang isang tao dahil patuloy na nagmu-mutate ang virus. Shookt ka ba?

Ano ang ‘mutation’?

Kung naglalaro o nanonood ka ng Pokemon, alam mo na ang mga characters dun na gaya ni Pikachu ay nag-eevolve o nagmu-mutate bilang Raichu na mas pinalakas! Kapag naging Raichu na si Pikachu, mas mahirap na siyang talunin ng mga kalaban. Ganon din pagdating sa mga virus na gaya ng COVID-19: nag-eevolve o nagmu-mutate din ang mga ito sa katagalan.

Ang mutation ay ang pagbabago ng anyo o katangian ng isang virus kapag nag-replicate o gumawa ito ng kopya ng kanyang sarili. Ang mga changes o pagbabago na ito ay nakakaapekto sa kabuuang properties ng isang virus. Ang bad news dito ay ang virus na nag-mutate ay maaaring mas mabilis na makahawa o kaya naman magdulot ng mas malalang sintomas. Puwede ring mangyari na dahil sa mga pagbabago sa virus ay hindi na tatablan ito ng meron tayong vaccine. Kaya din laging mino-monitor ng mga eskperto ang COVID-19 para kung kailanganin ay makagawa ulit sila ng panibagong vaccine para sa mga bagong variant.  

Paano nagiging bagong variant ang isang mutated virus?

Ang isang virus ay patuloy na nagbabago sa pamamagitan ng mutation. Kino-consider ang isang virus bilang bagong variant kapag ito ay dumaan sa isa hanggang dalawang mutations. Kagaya ng nabanggit sa itaas, kapag may mutations na naganap, maaaring lumakas ang kakayahan nitong makahawa at lumalala ang pwedeng maging dulot nitong sakit. Kaya kahit pa nagkaroon ka na ng COVID-19 dati, pwede ka pa ring magkaroon nito ulit. Kaya ‘wag pakampante, besh! 

Sa kasalukuyan, ang U.S. Centers for Disease Control and Prevention o CDC ay may isang na-identify na variant of concern o variant na mabilis makahawa, nagdudulot ng malalang sakit, at nagpapababa ng bisa ng antibodies ng vaccines sa katawan: ang Omicron variant. Samantalang ang Delta variant naman, katulad ng Alpha, Beta, at Gamma na mga naunang COVID-19 variants, ay itinuturing na lamang na variant being monitored o yung napag-aralan na, kaya nang gamutin, at mababa na ang bilang ng pagkalat.

Habang patuloy na pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang COVID-19 at mga variants nito, mahalaga na magtulungan tayo para mapigilan ang pagdami ng mga variants. Ang tanging paraan para mangyari ito ay kung pipigilan natin ang pagkalat mismo ng virus – dahil bumibilis ang pag-mutate ng virus at paggawa nito ng bagong variants kung marami din ang kasalukuyang carrier nito. Increase in infection rate = more chance of mutations! 

Effective ba ang vaccine sa lahat ng COVID-19 variants?

Kung iniisip mong baka sayang lang ang pagpapabakuna mo dahil sa iba’t ibang variants, diyan ka nagkakamali! Bakuna pa rin ang number 1 na panlaban sa virus. 

Kaya isang paraan para makasisiguro na protektado ka mula sa iba’t ibang COVID-19 variants ay ang pananatiling up-to-date sa booster shots. Hindi ka lamang protektado sa malalang sakit na dulot ng COVID-19, babawasan din ng mga ito ang posibilidad na ikaw ay mahawa at makahawa. Kaya bababa din ang posibilidad na magkaroon ulit ng panibagong COVID-19 variant. Kung lahat tayo ay magtutulungan sa pamamagitan ng pangangalaga ng sarili at pagsunod ng mga health protocols, kayang-kaya natin wakasan ang COVID-19 pandemic. Fighting! 

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Ika nga nila, “Prevention is better than cure.” Kaya habang may banta pa rin ng iba’t ibang variants ng COVID-19 sa paligid, gawin ang makakaya para maging protected. Syempre don’t catch ‘em all! Pokemon lang ang ayos i-collect, hindi COVID-19!