HHWW–holding hands while walking–pauwi galing school, may kasama pang akbayan kung minsan. Ganyan sina Jay* at Chloe* noong face-to-face pa ang klase nila. Ang sweet! Hindi talaga mapaghiwalay ang dalawa. At dahil nag-e-excel din sila sa kanilang pag-aaral, suportado ng mga teachers at magulang nila ang love team nila. “Parte ng pagbibinata at pagdadalaga,” sabi nila. 

Pero ibang usapan na simula nang magkaroon ng pandemya. ‘Di na uubra ‘yung mga public display of affection o PDA. Hindi lang kasi LOVE ang nasa air, pati na rin ang COVID-19!  

Yes, airborne ang COVID-19. May kakayahan ang virus na mag-stay sa hangin nang matagal, kaya kapag may taong infected na umubo o bumahing nang walang mask, o kahit nga huminga lang, pwede ‘tong makahawa ng iba kahit 15 minutes of exposure lang. Paano pa kaya kung magkadikit kayo lagi, gaya nina Jay at Chloe, ‘di ba? Kaya laging check yourselves ha, baka hindi na love ‘yang feeling niyo, baka COVID-19 na pala!

Ano ang COVID-19?

Ang coronavirus disease o COVID-19 ay nakakahawang sakit dulot ng SARS-CoV-2 virus. Una itong nadiskubre noong 2019 sa China nang marami ang nagkaroon ng ‘viral pneumonia’.

Paano naihahawa sa iba ang COVID-19?

Ang transmission o pagkahawa sa sakit na ito ay napakabilis mangyari. 

Ayon sa maraming pag-aaral, kumakalat ang virus kapag bumahing, umubo, nagsalita, kumanta, o kahit huminga lang ang taong positibo sa COVID-19. Ang infectious particles na lumabas sa katawan ay maaaring masinghot o tumalsik sa mata, ilong, o bibig ng mga tao sa paligid, na siyang paraan para makapasok ang virus sa katawan. Kaya naman kahit crush mo pa ‘yan, huwag masyadong maging close at mag-social distancing muna ha! 

Bukod sa matataong lugar, madali ring makuha ang virus sa lugar na kulob o walang ventilation dahil nga airborne ang virus. Posibleng manatili sa hangin ang virus ng ilang oras kapag walang dumadaloy na sariwang hangin. Kaya kahit pa wala na sa lugar ang infected na tao, pwede ka pa ring mahawa rito. Ang mas malala pa riyan, kapag mahilig kang magkutingting ng mga bagay, not knowing na may virus na pala yung hinahawakan mo, tapos hahawak ka sa iyong mata, ilong, o bibig–’yun na! Halos walang effort na makapasok ang virus sa sistema mo. 

Tutulungan ka naming malaman ang mga sintomas ng COVID-19. Pero tandaan na may mga tao ring asymptomatic kung tawagin o ‘yung mga walang sintomas na nararamdaman pero infected na pala ng virus at nakakapanghawa na ng iba. Kaya may sintomas ka man o wala, kung ikaw ay na-expose o may nakasalamuhang COVID-19 positive, mag-isolate agad sa  bahay. Sa mga susunod na araw, obserbahan ang sarili kung may lalabas na sintomas at, kung available para sa ‘yo, ay magpa-COVID-19 test ka na rin para matukoy ang tunay na kondisyon ng katawan. 

Ano ang mga sintomas ng COVID-19?

Hindi biro ang COVID-19. Gaya ng nabanggit, may mga taong asymptomatic o halos walang sintomas na nararamdaman. Ang iba naman ay nagkakaroon ng sintomas na katulad lamang ng karaniwang trangkaso. Pero meron ding nakakaranas ng malubhang epekto nito na maaaring ikamatay. 

Ito ang mga karaniwang sintomas ng COVID-19: 

  • Lagnat
  • Ubo
  • Sipon
  • Pananakit ng lalamunan
  • Pananakit ng katawan
  • Diarrhea o pagtatae 
  • Pagkawala ng pang-amoy 
  • Pagkawala ng panlasa

O, hindi ‘yan parang checklist na dapat lahat ng sintomas maramdaman para masabing mayroon kang COVID ha. Kung nakararanas ka kahit isa sa mga nakalistang sintomas, mag-isolate na kaagad para siguradong hindi makahawa at obserbahan ang sarili. 

May mga cases na nagiging severe o malala ang nararamdamang sintomas gaya ng:

  • Hirap sa paghinga
  • Pagkalito
  • Pagsusuka
  • Pagkukulay asul ng labi o mukha
  • Pananakit o paninikip ng dibdib

Kung nakararanas ka ng mga nabanggit, bes, punta na agad sa pinakamalapit na ospital.

#MalayaAkongMaging LIGTAS

Huwag matakot sa virus, friendship! Dapat lang ay mas maging maingat kasi alam mo na ngayon kung saan nanggaling at paano maaaring mahawa sa hated virus na ito. Magbasa o  manood ng balita galing sa reliable sources tungkol sa virus, gawin ang mga payo na safety protocols, at magpa-vaccine at magpa-booster na, mga beshies! Huwag ding kakalimutan na mag-mask, magdala parati ng alcohol o hand sanitizer, umiwas sa mataong lugar, at observe social distancing muna pati na kay crush! 

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.