Nag-start na ang face-to-face classes ni Josh* ‘nung August. ‘Yung mga mukhang dati sa Zoom lang niya nakikita, ngayon live na! Naging usapan ng circle of friends niya ang pagpapa-bakuna.
“Uy, Moderna yung sa’kin. Grabe, 3 days na masakit ang braso ko!” sabi ng kaibigan niya habang hinahawakan ‘yung parte sa braso niya na sumakit.
“Talaga? ’Yung Pfizer din ganyan yung effect eh. Nilagnat pa nga ako,” pagsang-ayon naman ng isa.
“Eh nabasa niyo ba ‘yung sa Facebook, mga anti-vaxxers ba ‘yun? ‘Yung mga ayaw magpa-vaccine?” pagbungad ni Josh sa mga kaibigan niya na naglingunan dahil sa sinabi niya.
“Sabi doon, sabay-sabay daw tayong mamamatay after 2 years ng bakuna!” sigaw niya.
“Hala! Paano kung maging zombie tayo? ‘Di ba sa laro at mga Netflix series nagiging zombie pagkatapos magpaturok ng bagong gamot?” pagha-hype pa ng isa niyang kaibigan.
“Nako, hoy kayo, ‘di yan totoo. Sabi ng ate kong nurse, safe at effective ang bakuna!” sabat naman ng isa pa niyang kaklase.
Mga Fake News tungkol sa COVID-19 Vaccines
Ang dami talagang naglipanang mga sabi-sabi o fake news tungkol sa COVID-19 vaccines. Kaya para mapanatag ang loob mo at ‘di ka na ma-praning kaiisip, isa-isahin natin ang mga kumakalat na tsismis tungkol sa COVID-19 vaccines.
Tsismis 1: “Pag nagkaroon ka na ng COVID-19, immune ka na kaya no need na ang bakuna!”
Kahit pa nagkaroon at gumaling ka na mula sa COVID-19 dati, ‘di ibig sabihin nito ay immune ka na. Pwede ka pa ring mahawa ng ibang variants ng virus kaya kailangan mo pa rin ng bakuna.
Ang bakuna laban sa COVID-19 ay nagbibigay proteksyon laban sa virus at pinapababa din nito ang chance na magkaroon ka ng severe o malalang kaso ng COVID-19. Napaka-importante nito para safe tayo. Pero hindi instant ang result ha! Dadaan pa ang ilang linggo bago magkaroon ng sapat na immunity ang katawan at tuluyang maging mabisa ang bakuna laban sa COVID-19.
Ngunit tandaan din na paglipas ng panahon ay bumababa din ang bisa ng vaccine. Ito ang dahilan kaya kailangan din nating magpa-booster shot, mga friendships. Nakakaapekto rin sa bisa ng vaccine sa isang tao ang edad, estado ng kalusugan, at nakaraang exposure sa COVID-19. Kaya sumunod pa rin lagi sa mga health protocols at mag-face mask!
Tsismis 2: “Hindi safe ang vaccine dahil minadali ang paggawa nito.”
Gaya ng ibang mga bakuna na available sa atin ngayon, pinaghandaan at pinag-aralang maigi ang paggawa ng mga COVID-19 vaccines. Lahat ng bakuna ay dumaan sa mahigpit na pagsusuri sa mga clinical trials para makita kung naabot nito ang international standards na nakatakda para masabing ito ay ligtas at mabisa. At isa pa, matagal nang may produksyon ng vaccine para sa ibang malalang virus tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) na halos kapareho ng sakit na COVID-19. Kaya malawak na ang knowledge o kaalaman ng mga eksperto rito para makagawa ng effective vaccine para sa COVID-19, bagay na siyang tumulong para magawa nila nang mas mabilis ang COVID-19 vaccines.
Tsismis 3: May kasamang COVID-19 virus ang bakuna
Walang kasamang live COVID-19 virus ang bakuna. Ang meron lang dito ay ang pinahina o patay na kopya ng virus, o genetic product na nakakagawa ng isang klaseng protein na meron ang COVID-19 para makagawa ng antibody; pero hindi ito mapaminsala. Bagong virus kasi ang COVID-19 at ‘di pa ito kilala ng katawan natin noon, kaya kailangan i-introduce ang ibang components nito sa pamamagitan ng bakuna. Ginawa ito para tulungan ang katawan nating mag-adjust at makagawa ng partikular na antibodies na siyang panlaban sa COVID-19 virus sakaling madapuan tayo nito. Kaya pwede kang makaranas ng mga panandalian at mild na side effects na kapareho ng sintomas ng COVID-19 tulad ng lagnat, sipon, pananakit ng ulo at kalamnan, pero lahat ng ‘yon ay reaction lamang ng katawan sa vaccine at hindi COVID-19 mismo. May iba namang walang side effects ang bakuna sa kanila at ‘di ibig sabihin nito ay hindi na effective ang vaccine; iba-iba lang talaga ang reaksyon ng katawan ng mga tao sa vaccine. Kaya ‘wag mangamba kasi safe ang vaccine!
Tsismis 4: “Bakuna now, baog later.”
Feeling mo ba hihinto ang pagdami ng lahi mo kapag nagpabakuna ka? Nako, ‘di ‘yan totoo! Walang pag-aaral ang nagsasabing ang COVID-19 vaccine ay nakakaapekto sa kakayahang magbuntis o makabuntis. Lahat ng bakuna laban sa COVID-19 ay dumaan sa masusing pag-aaral at testing bago ito naging available sa publiko.
Tsismis 5: “May microchip ‘yang bakuna. Ginawa ‘yan para ma-monitor ang galaw natin!”
Imposible! Bakit kamo? Kasi hindi kasya ang microchip sa panturok. Liquid ang consistency ng COVID-19 vaccines at itinuturok ito gamit ang syringe at karayom kaya walang posibilidad na magkaroon ito ng microchip o kung ano pang device para mag-spy o ma-monitor ang bawat galaw mo.
Tsismis 6: “Magiging magnetic ang katawan ng isang tao kapag nagpa-bakuna.”
Sa Marvel comics lang nag-eexist si Magneto. Walang posibilidad na maging magnetic ang katawan ng isang tao kapag naturukan ng vaccine. Gaya ng mga nabanggit sa itaas, tutulungan ng vaccine ang katawan na gumawa ng antibodies para mas lumakas ang immune system para malabanan ang COVID-19 virus. Kapag ‘di ka nagpaturok ng vaccine, COVID-19 virus ang mama-magnet mo at hindi mga bakal.
Tsismis 7: “Pag nagpabakuna ka, magiging zombie ka!”
Alam mo bang mahigit 72 milyong Pilipino na ang fully-vaccinated pero ni isa ay wala pang nagiging zombie? Walang kahit anong gamot ang may kakayahang gawing zombie ang isang tao. Kasi zombies are not real! Sa pelikula at series lang nag-eexist ang mga ito. Kaya ‘wag kabahan kasi after ng bakuna, tao ka pa rin namang lalabas ng vaccination site. At tao ka pa ring gagala sa mundong ibabaw!
#MalayaAkongMaging LIGTAS
‘Wag maniwala sa fake news at lalong huwag magkakalat nito. Laging mag-fact check at siguruhing legit ang source na panggagalingan ng impormasyon. Maniwala sa mga eksperto gaya ng scientists at doktor at marahang i-correct din natin ang ating mga kamag-anak, besties, mga kapitbahay kapag nagbabahagi sila ng kaduda-dudang impormasyon.
‘Di ka magiging zombie kaya magpabakuna na lalo na’t face-to-face na naman ang klase. Mas may peace of mind at enjoy ang pakikipagkulitan with friends kapag alam mong protektado ka ng bakuna. Don’t worry, you got this!
*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.