Si Julia* ay 15 taong gulang at napansin niya na parang hindi pa siya nagkakaroon ng regla sa buwang ito. Nagpanic siya dahil baka mapaghinalaan siyang buntis ng kanyang ina. Bakit kaya hindi pa siya nagkakaroon kahit lampas 28 days na? Anu’ng nangyayari?

Hindi dapat mag-panic agad dahil iba-iba ang menstrual cycle ng bawat babae. Ang pagkakaroon ng regla ay nangyayari matapos maglabas ng itlog ng isang obaryo habang kumakapal ang lining o dingding ng matris bilang paghahanda sa posibleng fertilized na itlog na maninirahan dito kapag nabuntis ang isang babae. Kung walang pagbubuntis, maglalagas ang uterine lining at ilalabas ito ng katawan bilang regla o “period.”

Ang regla ay kadalasang nangyayari kada 28 araw. Ngunit ang isang malusog na menstrual cycle ay naglalaro sa pagitan ng 21 to 35 araw. Kung ang iyong cycle ay hindi pasok sa nasabing bilang ito ay maaring dahil sa mga sumusunod na factors:

Stress

Nakakaapekto ang stress sa hormones, sa daily routine, at lalong-lalo na sa parte ng ating utak  na tinatawag na hypothalamus. Ito ang siyang responsable sa pag-regulate ng period. Sa paglipas ng panahon, ang stress ay maaring magdulot ng sakit at lubos na pagbawas o pagdagdag ng timbang na makakaapekto sa menstrual cycle. 

Mababa o Sobrang Timbang

Ang mababang timbang ay lubos na nakakaapekto sa cycle ng isang babae. Kung ikaw ay 10% mas mababa sa dapat na timbang mo ayon sa iyong height, maaring makaapekto ito sa iba’t ibang function ng katawan at magpatigil sa ovulation. Katulad ng mababang timbang, ang pagiging overweight ay nakakaapekto rin sa cycle dahil may epekto rin ito sa hormones ng isang tao.

Polycystic Ovary Syndrome (PCOS)

Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ay isang kondisyon kung saan ang katawan ng babae ay gumagawa ng mas maraming male hormone na tinatawag na androgen. May mga bukol na maaring mabuo sa ovaries dahil sa hormonal imbalance na ito. Ito ay maaaring magdulot ng irregular na ovulation o sadyang mapatigil ito. 

Contraceptive

Maaaring makaranas ng pagbabago sa cycle kung mag-uumpisang mag contraceptive o titigil sa paggamit nito. Ang pills na may lamang estrogen at progestin ay pumipigil sa ovaries na magrelease ng itlog. Maaring umabot ng anim na buwan mula sa pagtigil magpills upang maging consistent ulit ang cycle. Ang implant at injectables ay maaari ring makaapekto sa cycle. Normal lang ito at hindi dapat ikabahala. Walang masamang epekto sa katawan ang pagtigil ng regla na sanhi ng paggamit ng contraceptives. 

Diabetes

Ang mga sakit katulad ng diabetes ay maaari ring makaapekto sa menstrual cycle. Ang pagbabago sa blood sugar ay konektado sa mga hormonal na pagbabago na maaring magdulot ng iregular na regla. 

Mga Isyu sa Thyroid

Ang overactive o underactive na thyroid ay maaring sanhi ng delayed na regla o nawawalang regla. Dahil kinokontrol nito ang metabolism, ay hormone level ay apektado rin. 

Kailan Dapat Magpatingin sa Doktor

Ang mga doktor lamang ang maaring makapagbigay ng tamang pagsusuri kung ano ang rason sa delayed o missed periods. 

Kumunsulta agad sa doktor kung nakakaranas ng mga sumusunod: 

  • Hindi pangkaraniwang lakas ng daloy ng regla
  • Lagnat habang may regla
  • Matinding sakit sa puson
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Regla na tumatagal higit sa 7 araw
  • Hindi pagkakaroon ng regla higit sa isang taon. 

#MalayaAkongMaging MALUSOG

Maaaring magkakaiba ang menstrual cycle ng bawat babae. Tandaan din na habang nasa stage pa ng puberty o pagdadalaga, normal pa rin na maging irregular ang haba ng regla dahil nag-aadjust pa ang katawan habang ito ay nagmamature. Ang pagmo-monitor ng regla buwan-buwan ang magandang paraan para malaman kung ano ang tamang timing para sa iyo. Tandaan na ang pinakanormal na menstruation ay ang kung anong normal para sa iyo. Kung may ibang nararamdaman pagdating sa menstruation, komunsulta agad sa doktor. 

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.