Nanay: O Anna* napano ‘yang kuya Buboy* mo? Bakit hindi kumikibo at walang ganang kumain?

Anna: Ewan ko, ‘nay. Siguro nag-eemote na naman. Alam mo na uso ngayon ‘yung mga pa #sadboi.

Buboy: …

Ang depression o major depressive disorder ay ang pinaka nangungunang sanhi ng disability o kapansanan sa buong mundo. Ito ay nakaaapekto nang malala sa pag-iisip, pakiramdam, at pati na rin sa pang araw-araw na pamumuhay ng isang tao. 

Ang depresyon ay sanhi rin nang labis na kalungkutan, kawalan ng motivation at ng interes sa mga bagay na dating nakapagpapasaya sa’yo. 

Maaari itong mauwi sa iba’t-ibang emosyonal at pisikal na problema na lubhang nakapagpapababa ng performance sa trabaho, pag-aaral, at tahanan.

Depression vs. Grief

Normal lang sa isang tao ang makaramdam ng lungkot kapag nawalan ng minamahal sa buhay, nakipaghiwalay sa jowa o natanggal sa trabaho—ang tawag doon ay grief o pagdadalamhati. Bagamat ang depression at grief ay may mga pagkakapareho ng sintomas, dapat tandaan na sila ay mayroong tatlong mahalagang pagkakaiba:

1. Dalas ng kalungkutan.

Sa grief, pabugso-bugso ang masasayang alaala ng yumao at kasama rito ang kalungkutan. Samantalang sa depression, tuloy-tuloy nang hindi bababa sa dalawang linggo ang pagbaba ng mood at interes.

2. Pagtingin sa sarili.

Sa grief, buo at naroroon pa rin ang self-esteem o ang maayos na pagtingin sa sarili. Sa depression naman ay makararamdam ang isang tao ng kawalan ng silbi o worthlessness at pagkamuhi sa sarili. 

3. Suicidal ideation.

Pagdating sa suicidal thoughts, ang dahilan ng grief ay para sundan o samahan ang yumao. Sa depression naman, ito ay ang kawalan ng pagnanais na mabuhay dahil hindi na nito nakikita ang importansya ng buhay at ng sarili. Isa ring dahilan ng suicidal thoughts ay dahil hindi na makaya ng isang tao ang sakit dulot ng depression.

May mga sitwasyon din naman na sabay nakararanas ang isang tao ng grief at depression. Pwedeng maging sanhi ng depresyon ang pagkawala ng mahal sa buhay, matinding unos o disaster, pati na rin ang pananakit, at masamang karanasan. 

Mahalagang malaman at matukoy kung ang pinagdaraanan ba ay depression o grief. Alin man ito sa dalawa, mabuti pa ring kumunsulta sa isang mental health professional kung nakararamdam ng mga sintomas nito.

Mga Sintomas ng Depression

Narito ang ilang sintomas ng depresyon:

  • Matinding kalungkutan o depressed mood
  • Kawalan ng interes o gana sa mga bagay na dating nagpapasaya at gusto mong ginagawa
  • Pagbabago ng gana sa pagkain—ang pagbaba o pagtaas ng timbang kahit hindi nagda-diet
  • Hindi makatulog o labis na pagtulog
  • Pagiging matamlay o lubhang pagkapagod o fatigue
  • Hindi mapakali o mapirmi—hindi makaupo nang matagal, palakad-lakad, at/o o pagpisil ng kamay
  • Kapansin-pansing pagbagal sa pagkilos o pananalita 
  • Kawalan ng kumpyansa sa sarili at pagkamuhi sa sarili
  • Kawalan ng pagpapahalaga sa sarili at nakakaramdam ng guilt o pagsisisi sa sarili 
  • Hirap sa pag-iisip, pag-focus, at pagdedesisyon
  • Pagbabago ng hygiene o paglinis sa sarili katulad ng hindi pagligo 
  • Madalas na pag-iisip tungkol sa pagpapatiwakal o suicide at kamatayan

Ang mga sintomas na ito ay karaniwang tumatagal nang hindi bababa sa dalawang linggo, at nakaaapekto sa pamumuhay ng isang tao. 

Kung sa tingin mo ay mayroon kang depresyon, mabuting masabi ito sa iyong mga magulang, kaibigan, o sa isang pinagkakatiwalaang nakatatanda para makahingi ng tulong.

Tandaan, kung mayroon ka ng isa sa mga nabanggit na sintomas, iwasang mag self-diagnose. May mga test na ginagawa ang mga propesyonal para matiyak na mayroon ka ngang depression at para malaman ang pinakamagandang gawin sa sitwasyon mo. 

#MalayaAkongMaging MASAYA

Mahalagang tandaan na ang sakit na depression ay nagagamot at hindi dapat ikinahihiya. Kapag naamin mo sa sarili mo na kailangan mo ng tulong at gusto mong makatanggap ng tulong, nasa step 1 ka na patungo sa paggaling. 

Laging isaisip na hindi ka nag-iisa sa laban na ito.

Kung nakararanas ka ng isa o ilan sa mga sintomas na nabanggit sa itaas, marapat lamang na kumunsulta sa isang mental health professional

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.