Bata pa lang si Stephen*, parati na siyang tinatawag ng mga tito at tita niya na pogi, gwapings, artistahin, at future heartbreaker. 

Dahil sa title niya bilang campus crush sa school nila, nanalo siya bilang Prom King noong high school prom. Habang nagsasayaw sila ng Prom Queen, naisip niya: 

Bakit hindi ako masaya sa title ko? Bakit hindi mawala yung dati ko pang pakiramdam at mas  gusto ko talaga na matawag na Prom Queen? Bakit parang wish ko ay tinawag ako ng host na Stephanie* imbis na Stephen?

Dahil sa paulit-ulit na pagpapa-alala sa kanya ng lipunan na gampanan ang kaniyang role bilang isang attractive na lalaki na natural na gugustuhin ng mga babae, parang araw-araw ay nagpapanggap siya. Hindi masayang feeling ito. Nakakapagod. Hindi rin nakatulong ang paniwala ng kanyang buong pamilya na mali ang pagbabago ng kasarian.

Pero tuwing nagi-imagine siya sa kanyang higaan bago matulog na kinikilala siya ng mga pamilya at kaibigan bilang Stephanie, isang babae, it felt right.  Sadly, hindi niya pa rin ito matanggap sa kanyang sarili.

Paano nga ba tatanggapin ni Stephanie ang kanyang sarili at maging komportable na sa  kanyang gender identity?

Kung nakaka-relate ka sa struggle ni Stephanie at sa proseso ng pagtanggap at pagpapahayag ng kanyang gender identity, narito ang mga gabay na maaaring makatulong sayo:

1. Maging bukas na I-unlearn ang mga kinalakihang paniniwala.

Tulad ni Stephanie, maaaring lumaki rin tayo sa lipunang nagnonormalisa na “babae” at “lalaki” (binary genders) lang ang tanging mga kasarian: mula sa mga haircut at uniform requirements sa school, hanggang sa mga napapanood nating bidang loveteam sa mga teleserye.

Sa media, hindi masiyado pinalalalim ang pagsasabuhay ng mga taong may diverse na sexual orientation, gender identity at expression, at sex characteristics o SOGIESC. Kung may mga karakter man na may diverse na SOGIESC, karaniwan ay ginagawa silang sentro ng katatawanan o kaya inaabuso. Sa ating mga komunidad kung saan may malaking impluwensiya ang iba’t-ibang relihiyon na karaniwang nagbabawal nito, malimit ay hindi na lang ito pinag-uusapan. Dahil tinatratong parang invisible o di kaya dehado ang mga taong may diverse SOGIESC, nagkakaroon tayo ng negatibong pagtingin sa mga taong hindi tumutugma ang kasarian sa binary genders, kahit pa ito ay ating sarili. 

Mahalagang makalabas tayo sa pagkakakulong sa mga paniniwalang ito, at maging bukas sa ideya na malawak ang spectrum ng gender—walang mali at walang limitasyon!

2. Matuto pa nang matuto!

Maraming mga available na online articles o blog posts at libreng webinars tungkol sa kasaysayan at karanasan ng mga taong may diverse SOGIESC na bukas para sa iba’t-ibang edad, maski sa teenagers na tulad mo!

Kung gusto mo naman ng mas nakaka-enjoy, maaari ka ring mag-movie marathon kasama ang iyong squad ng mga pelikulang para sa, tungkol sa, at gawa ng mga taong may diverse SOGIESC. 

Mahalagang matutunan ang mga pinagdaanan na hamon ng mga taong gender diverse para maitama natin ang mga maling pananaw at sistemang nakakasakit sa kanila, hanggang sa mas maging accepting ang ating lipunan para sa lahat ng kasarian.

3. Kilalanin nang mas mabuti ang komunidad.

Minsan, ang hirap ding magbasa-basa lang ng mga kwento ng mga taong hindi mo na nga kilala, hindi pa kayo pareho ng lugar! Hirap ma-reach! 

Malaking tulong dito ang pakikipag-usap sa mga taong closer to home, o mga kakilala at pinagkakatiwalaan sa trans at gender diverse communities, tungkol sa kanilang journey sa pag-unawa ng kanilang kasarian at ang naging proseso nila sa pagpapahayag nito. 

Sa ganitong paraan, mas magiging relatable ang mga first-hand at personal na kwento upang makatulong sa iyo na i-explore ang sariling identity!

Kung wala namang “guiding figure” sa iyong paligid, magandang makihalubilo sa mga event tulad ng pride march, o ‘di kaya ay sumali sa mga online communities o organizations upang makakilala ng mga posibleng kaibigan na makagagabay sa iyo.

4. At your own pace!

Parang noong unang beses tayo matutong mag-bike o noong transferee tayo sa bagong school, hindi maiiwasan ng karamihan sa atin na matakot o kabahan sa pagbabago. Kaya may mga training wheels at class orientation ay para unti-unti tayong maging komportable sa bago nating experiences. Ganito rin sa pagkakakilanlan ng kasarian!  

Hindi parating ‘matic at consistent ang pagpapahayag ng sarili. Maaaring unahin mo muna sa kung paano mo inii-style ang iyong buhok, halimbawa. Kapag sa tingin mo safe na at ready ka nang magpahayag ng gender identity mo through your OOTDs, go for it! Hindi kailangang one-time-big-time ang transisyon.

Tandaan, slow progress is still progress!

5. Lumahok sa pakikibaka.

Alam mo bang may mga batas para proteksyunan ang kabataan, kababaihan, at mga katutubo? Na-achieve ang lahat nang iyan dahil iginiit ng marami ang kanilang karapatan bilang tao! Dahil nakakaranas din ang maraming indibidwal ng diskriminasyon dahil sa kanilang SOGIESC, kailangan din natin ng mga batas na poproteksyunan sila.

Maaari natin itong ipaglaban sa pamamagitan ng paglahok sa mga on-ground na demonstrasyon, pati ng pag-post o pag-share ng post tungkol sa epekto ng iba’t-ibang uri ng diskriminasyong kinakaharap ng mga taong may diverse SOGIESC, kabilang na ang trans community.

Mula rito, unti-unting magiging mulat ang mga tao, at sana ay magkaroon ng isang movement na magpapatibay sa mga ligtas na espasyo ng lipunan para sa ating lahat, ano man ang gender identity natin. Sa kalaunan, sana talaga at mas magiging madali na para sa ating lahat na tanggapin ang sariling kasarian at mamuhay nang malaya at walang takot o pangamba!

6. Makipag-usap sa isang eksperto.

Maaaring nakaka-stress, nakakalungkot, at nakakapagod expectations ng lipunan pagdating sa gender. Kung kailangan mo ng propesyonal na suporta, puwede kang magpa-counseling o therapy sa ilang mga counselors o psychiatrist na naka-specialize tumulong sa mga taong nasa trans at gender diverse community. 

#MalayaAkongMagingMASAYA

Karapatan mong ipahayag ang iyong sarili sa paraan na tama para sa’yo, nang walang takot sa diskriminasyon o panghuhusga ng ibang tao. 

Sa pamamagitan ng kolektibong aksyon sa pagbabago at pag-eeduka ng lipunan, kasama ang ​​mga taong may diverse SOGIESC at mga ally, makakamit din natin ang bukas kung saan malayang maging masaya ang lahat!

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.

Para sa karagdagang impormasyon, maari mong bisitahin ang mga Facebook pages na ito:

Lunas Collective Facebook Page

FamiLIGTASPH Facebook Page