Napansin ni Joshua* na medyo naging matamlay at dumidistansya ang kaibigan niyang si Kenneth mula noong nag-out siya bilang homosexual. Marahil ay marami pa itong pinagdaraanan na pag-aadjust sa bagong yugto ng kanyang buhay.

Miss na miss na ni Joshua na makasama ulit si Kenneth at gusto niyang ipaalam sa kanya na suportado niya ito 100%, pero hindi niya pa sigurado kung ano ang mga tamang salita at kilos para ilahad ito. Ano kaya ang dapat niyang gawin?

Ano ang “ally”?

Nakakita ka na ba ng video ng mga magulang kung saan tinutulungan nilang gupitan ang buhok ng anak nilang trans man? O ‘di kaya yung mga larawan ng mga mag-tropa na sinamahan ang kaibigan sa pride march?

Ilan lamang ang mga ito sa mga mas personal na kilos ng mga kaibigang “ally”! Hindi ito nagtatapos sa mga katagang “wala naman akong problema sa kanila” o “may mga kaibigan naman akong may diverse SOGIESC”.

Ang “ally” ay isang taong heterosexual at/o cisgender na naninindigan at nagsusulong na mapuksa ang diskriminasyon, at sinusubukang gawing mas ligtas ang mundo para sa mga taong may diverse SOGIESC. Kasama na rito ang aktibong pagsulong ng pantay-pantay na karapatan, anuman ang gender identity o sexual orientation.

Bakit mahalaga ang mapagtanggap na lipunan?

Malaya ka kapag malaya ang iba. Malaking tulong ang komunidad na mapag-suporta  sa mga kabataang ine-explore pa ang kanilang kasarian at sexual orientation. Binibigyang assurance nito na sila ay mamahalin at sila ay mananatiling ligtas, ano man ang kanilang mapusuan.

Kung ayaw nating naii-stress o natatakot na magpakatotoo sa isa’t isa, dapat nating gawing mas accepting sa lahat ang ating lipunan!

Paano nga ba maging mabuting ally?

1.   Privilege check!

Kilalanin na mayroon kang mga kinalakhang opinyon o mga bias na dala ng iyong pribilehiyo bilang isang heterosexual at/o cisgender. Maaaring nahihirapan ka pang maunawaan ang pinagdaraanan ng ibang tao sa simula dahil hindi mo ito direktang nararanasan. Tanggalin ang “blinders” na ito, at simulang ilagay ang sarili sa paa ng ibang tao!

2.   Empathy is key! 

Ang empathy ang pangunahing sangkap ng pagiging ally! Dapat nating maintindihan na hindi porket hindi tayo naaapektuhan, wala na dapat tayong pakialam. Kaya nga tayo may Tagalog na salitang “kapwa”—mainam na sanayin nating makita ang ating sarili sa ibang tao.

3.   Humayo at matuto.

Tulad ni Joshua, mabuting magtanong-tanong at maging masigasig sa pag-intindi tungkol sa mga karanasan at kasaysayang nakakabit sa mga taong may diverse SOGIESC. Sa ganitong paraan, mas magiging maingat tayo sa ating pananalita at galaw upang hindi tayo makapanakit ng kapwa. Sa totoo lang, hindi nila responsibilidad na turuan tayo o ipaliwanag sa atin kung paano magpakatao sa kanila. Kaya let’s do our part. 

Maraming mga webinar o blog posts mula sa mga credible na organisasyon o institusyon ang makakapagturo tungkol sa paggamit ng mga tamang salita, makakapagtukoy kung anu-ano ang mga klase ng biro na hindi tama, o makakapag-suggest kung paano maiparamdam ang suporta mo para sa mga taong may diverse SOGIESC.

4.   Huwag assuming!

Hindi mo pwedeng i-connect the dots na lang basta-basta ang gender at sexual orientation ng iyong kakilala! Sa halip na mag-assume, iparamdam mo na lang sa lahat ng tao sa iyong paligid na tatanggapin at mamahalin mo sila, ano pa man ang kanilang identity.

Baka mamaya kasi, ma-out mo pa sila habang hindi pa sila handa. ‘Di pwede ‘yun! Hayaan mo silang mag-share sa sarili nilang oras.

5.   Gumamit ng wastong salita.

Kapag nagtransisyon ang isang tao sa bago nilang identidad, maaaring maging traumatizing para sa kanila ang pagpapaalala ng identity na iniwan na nila. Mahalagang gamitin ang tamang pronouns at ipinakilalang pangalan ng mga kakilalang gender diverse.  Halimbawa, dahil pinili ni Jake Zyrus ang pangalan niyang ito, walang ibang dapat itawag sa kanya kundi Jake! 

Kapag naman hindi natin kakilala ang isang tao, huwag natin agad i-assume ang kanilang kasarian base sa itsura! Mainam na gumamit ng gender-neutral terms sa regular na pag-uusap, o ‘di kaya ay direktang tanungin sa kanila kung sa aling pronouns at pangalan sila komportable.

Iwasan ding gumamit ng mga slur o mga salitang ginagamit para i-shame o maliitin ang mga miyembro ng komunidad.

6.   Pumuna at tumanggap ng puna.

Minsan, hindi natin namamalayan na tayo ay kasama rin sa problema. Hindi natin mapipili ang lipunang kinalakhan natin, kaya kahit sino ay may tendency na maging parte ng opresyon ng sarili o ng iba.

Maging bukas sa ideya na may mga oras kung saan magkakamali ka, at dapat willing kang ayusin ito. Humingi ng tawad, at tanungin kung paano ka mas magiging maingat sa susunod.

Sa puntong marami ka nang natutunan, hindi mo dapat sarilihin ang mga kaalamang ito! Sharing is caring, kaya kapag may narinig kang nakaka-offend na joke o mapanganib na wika sa mga taong may diverse SOGIESC, i-callout at turuan mo kaagad ang taong ito.

Tandaan, ang pagiging ally ay hindi natatapos sa sarili lamang. Hindi porket hindi ikaw ang nag-joke o nagsabi ng hate comment ay okay na. Layunin din ng tunay na ally na gawing ally ang ibang nangangapa pa. The more the merrier! 

#MalayaAkongMaging MASAYA 

Gaya ni Joshua, pwedeng-pwede mo ring subukang maging isang mahusay na ally kung gugustuhin mo! Magugulat ka nalang na ‘yung pagiging supportive mo pala sa beshie mo ay malaki ang impact at epekto para mas maging confident siya sa coming-out journey niya.

Ang saya kaya kapag pareho kayong masaya! Paano pa kaya kung buong lipunan at paligid, masaya rin? Kaya naman go, go, go! Ang pagiging ally ay pagpili na magpakatao!

Para sa karagdagang impormasyon, maari mong bisitahin ang mga Facebook pages na ito:

Lunas Collective Facebook Page

FamiLIGTASPH Facebook Page

*Ang mga pangalang nabanggit ay walang pinatutungkulang tao at ginamit lamang bilang halimbawa.